Sandro

Panukalang 20% discount sa mga dokumento sa paghahanap ng trabaho pasado na sa Kamara

Mar Rodriguez Nov 26, 2026
61 Views

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagbibigay diskuwento at libreng bayarin sa ilang dokumentong kinakailangan sa pag-aaplay ng trabaho.

Ipinasa ng Kamara ang House Bill No. 11628, o ang panukalang “Kabalikat sa Hanapbuhay Act.”

Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga kwalipikadong kapos sa buhay na job seeker ng 20% diskuwento sa ilang dokumento bago makapagtrabaho at buong waiver o libreng bayarin sa iba pang dokumento.

Kabilang sa mga dokumentong may 20% diskuwento ang barangay clearance, National Bureau of Investigation (NBI) clearance at police clearance.

Saklaw din ng diskuwento ang medical certificate mula sa mga government hospital na lisensyado ng Department of Health para sa local employment, gayundin ang medical certificate mula sa mga accredited medical facility para sa mga overseas Filipino worker at seafarer na magtatrabaho sa ibang bansa.

Makakakuha rin ng 20% diskuwento sa birth certificate at kaukulang marriage certificate, mga national at competency certificate ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at eligibility certificate ng Civil Service Commission.

Magiging libre ang ilang dokumento tulad ng tax identification number card, transcript of records, transfer credentials, authenticated copy ng diploma at certificate of good moral character mula sa state at local universities and colleges.

Umusad ang panukala sa Kamara sa pangunguna ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, alinsunod sa tagubilin ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Saklaw ng panukala ang mga naghahanap ng trabaho na walang malinaw na pinagkakakitaan, may kita na mas mababa sa opisyal na poverty threshold, o hindi palagiang natutugunan ang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, pangangalagang pangkalusugan at tirahan.

Maaaring mag-isyu ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng libreng certificate of indigency batay sa pinakabagong datos ng Community-Based Monitoring System. Maaari ring magbigay ang mga lokal na pamahalaan ng libreng sertipikasyon para sa mga dokumentong sila mismo ang nag-iisyu.

Awtomatikong ituturing na kapos sa buhay at kwalipikado sa benepisyo ang mga job seeker mula sa mga sambahayang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa loob ng pitong taong saklaw nito.

Ang bawat uri ng dokumentong saklaw ng panukala ay maaaring makuha gamit ang diskuwento o waiver isang beses bawat taon, kaya maaari itong muling mapakinabangan sa mga susunod na taon.

Hindi naman saklaw ng panukala ang mga first-time job seeker na nakikinabang na sa libreng bayarin sa ilalim ng First Time Jobseekers Assistance Act upang maiwasan ang dobleng benepisyo.

May kaukulang parusa rin sa mga pampublikong opisyal o empleyado na tumangging mag-isyu ng certificate of indigency o hindi magbigay ng mga benepisyong itinatadhana sa panukala sa loob ng 10 araw.

Kapag napatunayang nagkasala, maaari silang pagmultahin ng P5,000 hanggang P20,000 at ma-disqualify sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan sa loob ng limang taon.