Poe

Panukalang pagtatatag ng ASEAN AI Center sa Pilipinas isinulong ni Poe

Mar Rodriguez Nov 25, 2026
70 Views

ISINUSULONG ang mas malawak na kooperasyon ng mga bansa sa Southeast Asia para sa responsableng paggamit at pagpapaunlad ng Artificial Intelligence (AI) kasunod ng pag-ampon sa pinagsamang resolusyon ng Pilipinas at Malaysia hinggil sa pamamahala at inobasyon sa larangan ng AI.

Sa ginanap na 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), iminungkahi ng kinatawan ng FPJ Panday Bayanihan Partylist na si congressman Brian Poe ang pagsasanib ng mga resolusyon ng Pilipinas at Malaysia upang magkaroon ng iisang mas matatag na panrehiyong inisyatiba para sa kinabukasan ng artificial intelligence sa ASEAN.

Si congressman Poe din ang nagsilbing sponsor ng pinagsamang resolusyon na inampon ng kapulungan, na kinabibilangan ng suporta sa panukalang pagtatatag ng ASEAN Artificial Intelligence Center sa Pilipinas.

Ayon sa kongresista, layunin ng inisyatibang ito na palakasin ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa pagbuo ng mga polisiya, panuntunan at programang may kaugnayan sa responsableng paggamit at pagpapaunlad ng artificial intelligence.

Binigyang-diin din ni Poe ang kahalagahan ng pagkakaroon ng makatao at responsableng paggamit ng teknolohiya upang matiyak na napangangalagaan ang karapatan ng bawat mamamayan habang lumilikha ng mas maraming oportunidad sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Inaasahang makatutulong ang naturang hakbang sa pagpapalawak ng kaalaman, pananaliksik, inobasyon at pagbabahagi ng teknolohiya sa mga bansang kabilang sa ASEAN.

Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga bansa sa paghubog ng kinabukasan ng digital technology upang matiyak na walang sektor o komunidad ang maiiwan sa pag-unlad.

“Sama-sama nating itaguyod ang isang kinabukasan ng artificial intelligence na nakasentro sa tao, nangangalaga sa mga karapatan, lumilikha ng mga oportunidad at walang iniiwang komunidad,” ayon kay FPJ Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe.

Patunay ito ng patuloy na pagsisikap ng Pilipinas at mga karatig-bansa nito na palakasin ang regional cooperation at gawing kapaki-pakinabang sa lahat ang mabilis na pag-unlad ng makabagong teknolohiya.

To God be the Glory