Calendar
Parak, jail guard sa bebot nagtalo, tiklo
INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang pulis at jail guard na nag-away dahil sa babae noong Martes sa Brgy. Payatas, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Payatas Bagong Silangan Police Station 13, bandang alas-12:20 ng madaling araw naganap ang insidente sa bahay ng police sergeant sa Brgy. Payatas na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Lucio Tarun, inimbita ni alyas Marie, kalive-in ng pulis, ang jail guard na mag-inuman sa kanilang bahay.
Sinama ng jail guard ang kanyang driver sa bahay ni Marie at habang nag-iinuman sila ay dumating ang pulis.
Tila nagselos ang pulis at tinanong ang jail guard at ang driver nito kung ano ang kanilang pangalan at bakit sila nakikipag-inuman sa kalive-in niya.
Dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa magwala ang pulis at pinagbabato ang anumang mga nadadampot na bagay nito hanggang sa bumunot ng baril.
Tinangkang agawin ng jail guard ang baril ng pulis hanggang magpambuno ang dalawa kaya nasugatan pareho ang dalawa.
Napayapa lamang ang dalawa ng mga rumespondeng pulis matapos makatanggap ng tawag sa 911 mula sa isang concerned citizen.
Dinala ang dalawa sa Police Station 13 kung saan kapwa nagsampa ng kaso ang dalawa ng grave threat at slight physical injury at usurpation of authority.

