Calendar
20% discount para sa mga mahihirap na kumukuha ng gov’t clearances iminungkahi
MINUMUNGKAHI ngayon ng isang Party List congressman na magkaroon ng 20% discount para sa mga Pilipinong mahihirap na naghahanap ng trabaho na kinakailangang kumuha ng “government clearances” bilang requirement sa inaaplayan nilang trabaho.
Sinabi ni TUTOK TO WIN Party List Cong. Samuel S. Verzosa, Jr. na nais niyang maisa-batas ang kaniyang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng 20% discount sa mga government clearances ang mga mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Ayon kay Verzosa, ito ang nakapaloob sa House Bill No. 4828 na inihain niya sa Kamara de Representantes na pinamagatang “Poor Job Applicants Discount Act” para mabigyan ng diskuwento ang mga mahihirap na aplikante ng trabaho na kailangang kumuha ng mga pre-employment documents sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng kongresista na malaking tulong ang maibibigay ng kaniyang panukala para sa mga Pilipinong nag-a-apply ng trabaho. Kung saan, magkakaroon ng 20% discount para sa bayarin ng Barangay clearance, NBI clearance, Police clearance, medical certificate, marriage certificate, birth certificate. TOR at good moral character.
Sinabi pa ni Verzosa na kadalasan ay kinakailangan pang mangutang ang isang indibiduwal para lamang makapag-apply ng trabaho dahil sa mga gastusing kakaharapin nito sa pamamagitan ng pagkuha ng mga nasabing government clearances.
Binigyang diin ni Verzosa na layunin din ng kaniyang panukalang batas na mahikayat o ma-engganyo ang mga mahihirap na mamamayan na maghanap ng trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng 20% discount sa mga bayarin sa pagkuha ng mga requirements.
Ipinabatid pa nito na nauna nang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mayroong 2.99 milyong Pilipino na walang hanap buhay sa kasalukuyang taon. Ibinahagi din aniya ng PSA na umabot na sa 18.1% ang poverty incidence noong 2021.