Rubiano

Pasay mayor tutulungan 13 masahistang ninakawan

Edd Reyes Aug 31, 2025
288 Views

HANDANG bigyan ng tulong ng Pasay City ang 13 masahistang nabiktima ng panghoholdap, lalo na ang dalawa na hinalay pa ng mga suspek, ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano

Tiniyak ng mayor na hindi lang suporta sa paghahain ng kaso ang maitutulong ng Pasay kundi lahat ng suporta na kakailanganin ng mga biktima at kanilang pamilya.

Kinondena ng alkalde ang panloloob sa 13 masahista sa Brgy. 140, kung saan dalawa sa mga biktima ay halinhinan pang ginahasa ng mga suspek.

Ayon kay Mayor Emi, hindi katanggap-tanggap at walang puwang sa Pasay ang ginawa ng mga suspek dahil matapos limasin ang kanilang pera at mga gamit ay nagawa pang gahasain ang dalawa sa kanila.

Kumpiyansa ang alkalde na mabibigyan ng katarungan ang sinabit ng mga biktima sa tulong ng Pasay police.

Mahigpit ang kanyang direktiba kay Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto na maglunsad ng malawakang manhunt sa dalawang suspek.

Isa sa mga suspek nakilala na ng mga biktima sa e-rogue gallery ng pulisya na si alyas Ashley.

Inatasan din ni Mayor Emi ang mga pulis na dagdagan ang seguridad at police visibility sa buong lungsod.