BBM2

PBBM hinimok ang publiko na magkaisa

231 Views

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na itigil na ang pag-aaway at magkaisa.

Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Marcos na dapat palayain ang sarili mula sa mga hidwaan at paghihilahan ng pababa.

Dapat umano ay gamitin ang lakas ng bawat isa para sa ikabubuti ng bansa.

Ang mga bayani na nag-alay umano ng sarili para sa bayan ay dapat na tularan at gamitin upang magbigay ng pag-asa.

Binigyan-diin din ni Marcos ang kahalagahan na ituon ang atensyon sa pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.

“Umaasa ako na sa halimbawa ng ating mga dakilang bayani, higit nating isasabuhay ang kanilang ipinakitang pag-ibig sa bayan at ipinagtatanggol at ipinaglalaban nilang panata sa kabutihan,” sabi ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos sa publiko na buong tapang na harapin ang mga hamon upang mapagtagumpayan ang mga ito.