Santiago Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating SPO4 Jaime Santiago bilang bagong director ng National Bureau of Investigation.

PBBM itinalaga si sharpshooter ex-SPO4, retired judge Jaime Santiago bilang hepe ng NBI

Chona Yu Jun 14, 2024
84 Views

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si retired judge at dating Manila Police District SPO4 Jaime Santiago bilang bagong director ng National Bureau of Investigation.

Nanumpa na sa tungkulin si Santiago kay Executive Secretary Lucas Bersamin kahapon ng umaga.

Nakilala si Santiago bilang sharpshooter ng pulis Manila Special Weapons and Tactics.

Ginawang pelikula ang buhay ni Santiago noong 1996 kung saan ang actor na si Bong Revilla at may pamagat na SPO4 Santiago: Sharpshooter.

Nagtapos si Santiago ng kursong BS Criminology sa Philippine College of Criminology (PCCR) noong 1988 at Law sa Manuel L. Quezon University (MLQU-LAW) noong 1993.

Nagsilbi rin si Santiago bilang Criminal Law professor sa Emilio Aguinaldo College, Philippine College of Criminology at Emilio Aguinaldo College.

Naging acting executive/presiding judge ng Regional Trial Courts (RTCs) sa Manila at Tagaytay, at dating Metropolitan Trial Court (MeTC) judge ng Manila City si Santiago.

Nagsilbi si Santiago bilang assistant city prosecutor ng Department of Justice-Office of the City Prosecutor (DOJ-OCP) mula noong October 2003 hanggang December 2006.

Si Santiago ay naging Deputy Executive Vice President ng Philippine Judges Association at dating presidente ng Metropolitan and City Judges Association of the Philippines (METCJAP).

Isa si Santiago sa 10 Outstanding Policemen of the Philippines (TOPP) ng Philippine Jaycees noong 2009 at Outstanding Criminologist ng Professional Regulation Commission noong 2012.