Calendar
PBBM kumpiyansang malalagpasan ng bansa mga hamon ng pandemya
KUMPIYANSA si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malalagpasan ng bansa ang mga hamon na dulot ng COVID-19 pandemic.
“Malakas po ang loob ko sa ating kinabukasan, kahit po marami po tayong nakikita na hahadlang sa ninanais nating pagandahin ang Pilipinas. Malakas po ang loob ko na magsabi na meron pa rin tayong maliwanag at magandang kinabukasan at nasasabi ko po yun dahil nasa likod ko ang lahat Pilipino,” sabi ni Marcos kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng cityhood ng Bacoor.
Sinabi ni Marcos na malakas ang kanyang loob dahil nasa likod nito ang mahigit 31 milyong Pilipino na nagtiwala sa kanya sa katatapos na halalan.
“Nasa likod ko ang lahat ng ating mga kababayan, lahat ng nagmamahal sa Pilipinas at narinig po ang tinig ninyong lahat na magkaisa, ang tinig ninyong lahat na tayo ay ipagbuklod natin ang galing ng Pilipino, yan po ang gagawin natin,” dagdag pa ni Marcos.
Kung pagbabatayan umano ang likas na galing at sipag ng mga Pilipino ay malinaw umano na makakaahon ang bansa sa anumang pagsubok na daraanan nito.
“Sa galing ng Pilipino, sa sipag ng Pilipino, makikita po natin, aahon ulit tayo, gaganda po ang ating kabuhayan sa tulong po ninyo,” sabi pa nito. “Ipagpatuloy po natin ang sinimulan ninyo, nung kampanya, ang taong bayan na ang namuno sa pagkakaisa, ipagpatuloy po natin yan, at ako po ay nandito inyong abang lingkod.”
Marami umano ang dapat na gawin at sa tulong at pagkakaisa ng mga mamamayan ay maaabot ang inaasam na maayos, mapayapa at magandang buhay para sa mga Pilipino.
Sinabi rin ni Marcos na marami na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumulong para sa pag-ahon ng bansa.