BBM

PBBM nanawagan sa publiko na magpa-booster shot vs COVID-19

235 Views

NANAWAGAN si President-elect President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa publiko na magpabakuna ng booster shot laban sa COVID-19.

Ginawa ni Marcos ang panawagan matapos na magbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng dumami ang mga kaso ng severe at critical COVID-19 sa Agosto dulot ng paghina ng immunity ng mga nakapagpabakuna ng dalawang dose ng COVID-19.

Marami sa mga nakadalawang shot na ng COVID-19 ay hindi pa nagpapa-booster shot.

“With the Covid pandemic still ongoing, different variants may still emerge. And as we have seen, some variants are not as resistant to the first and second doses as others. Hence, there is a need to enhance our immunity by getting booster shots. Kailangan ng dagdag na proteksyon,” sabi ng susunod na pangulo ng bansa.

Lumabas umano sa pag-aaral sa Qatar na mayroong proteksyon laban sa mga sintomas ng COVID-19 ang mga taong nakatatlong dose ng bakuna.

Sinabi rin ni Marcos na dapat ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health standards.

“We have to wear face masks and comply with other health standards to ensure our safety and that of our loved ones,” dagdag pa ni Marcos.

Kung muli umanong darami ang malubhang kaso ng COVID-19 ay masasayang ang naging sakripisyo ng bansa at mahihinto ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.

“We have already made economic headways and we should not allow them to be brought to naught. This is why I am urging everyone to take part in preventing another surge that could block our way to economic recovery,” sabi pa ng incoming president.