Calendar
PBBM, Yorme Isko nagpulong sa Palasyo ng Malacañang; mga proyekto sa lungsod, tinalakay
NAKIPAGPULONG si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang talakayin ang kooperasyon sa implementasyon ng mga pangunahing haligi ng pamanang imprastraktura at mga proyekto ng pagbabago sa lungsod Biyernes ng hapon sa Palasyo ng Malacañang.
Tumagal ang 50-minuto ang pakikipagpulong ng alkalde kay Pangulong Bongbong Marcos na dinaluhan din ng dating Press Secretary ng Pangulo na si Cesar B. Chavez na tumatayo ngayon bilang Chief of Staff ni Mayor Isko.
Sumentro ang talakayan ng dalawang lider sa binalangkas ng lungsod sa kakayanang umunlad at pagkakatugma sa prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ng lokal at pambansang pamahalaan.
Bukod sa panukalang Intramuros Forest Park ni Mayor Isko Moreno, iprinisinta rin niya sa Pangulong Marcos ang iba pang mga proyekto sa ilalim ng Manila’s 10-year comprehensive development plan, na nauna ng inendorso ng City Development Council.
Kabilang dito ang pagpapanumbalik sa Plaza Calderon rehabilitasyon ng Lawton Underpass, at ang konstruksiyon ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Health and Sciences.
Kasama rin sa listahan ang pangunahing gawain ng lungsod ang pagkumpleto ng Binondominium 2 at 3, konstruksiyon ng apat pang in-city vertical housing towers sa compound ng Bureau of Plant Industry, at programang “Land for the Landless” sa apat na lugar.
Sinabi ng alkalde na itutulak din niya ang pagbuhay at pagmimintina ng Metropolitan Theater at pagpapagawa ng parking facilities sa ilalim ng Skyway at NLEX Connector viaducts upang maibsan ang pagsisikip sa mga lansangan.
Tiniyak ni Mayor Isko na kumpiyansa siyang matatapos ang mga proyekto bago matapos ang termino ng Pangulo dahil nagawa na niya ito sa una niyang termino na kahit pa panahon ng pandemya ay naisakatuparan at natapos niya ang mga proyetong Tondominium 1 at 2, Binondominium 1, Basecommunity, San Sebastian Residences, Pedro Gil Residences, at San Lazaro Residences
Nagawa rin niya noon ang konstruksiyon ng Bagong Ospital ng Maynila, modernisasyon ng Manila Zoo, pati na ng pagtatayo ng modernong pampublikong paaaralan tulad ng Manila Science High School, Dr. Albert Elementary School, at Rosauro Almario Elementary School.

