Khonghun

‘PDEA leaks’ pagtatangkang sirain PBBM admin — mga lider ng Kamara

Mar Rodriguez May 9, 2024
124 Views

KINONDENA ng mga lider ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon ng “PDEA leaks” na isa umanong pagtatangka na sirain ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, kinatawan ng lalawigan ng Quezon sa direksyon ng imbestigasyon ng komite na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa PDEA leak, ang gawa-gawang dokumento na nag-uugnay kay Pangulong Marcos sa paggamit ng iligal na droga.

“Very unfortunate, it saddens me that we have to go down to this level of political discourse when we should focus our attentions on more important issues,” sabi ni Suarez sa isang press conference na ginanap sa Manila Polo Club sa Makati City.

Kinastigo rin ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang imbestigasyon ng Senado na wala umanong pakinabang ang bansa.

“Hindi na sana namin papatulan ‘yung mga nangyayari ngayon sa Senate, kaso sobra na ‘yung ginagawa nila, hindi na tama. Ito ay isang malaking kasinungalingan, hindi ito makakatulong sa bansa,” sabi ni Khonghun.

Sinabi ni Khonghun na ang imbestigasyon ay maaaring isang pagtatangka na sirain ang administrasyon upang malihis ang atensyon ng bansa mula sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea, mula sa mga kasong kriminal na kinakaharap ng nagtatagong si Pastor Apollo Quiboloy, at sa imbestigasyong isinasagawa ng International Criminal Court sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.

“Maling-mali itong ginagawa nila,” giit ni Khonghun.

Naniniwala naman si Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na ang imbestigasyon sa PDEA leaks ay politically motivated na ang layunin ay sirain ang gobyerno sa halip na gumawa ng mga batas na makatutulong sa pagpapa-unlad ng bansa.

“The motive is not to enlighten the public, not to revisit any existing laws and improve them, but a smear campaign which is completely a farce kung nakikita po natin as it develops. It is a politically motivated targeting this administration’s downfall,” sabi ni Adiong.

“I hope the Senate will really realize na kami po sa House of Representatives, they are our friends and they are our partner kasi dalawa po ang Congress, ang chambers of Congress,” sabi pa ni Adiong. “Please protect the reputation of the Senate. Protect it kasi people are now starting to question the reputation of the institution.”

Nanawagan naman si Assistant Majority Leader at Ako Bicol Rep. Raul Angelo Bongalon na itigil na ng Senado ang imbestigasyon na wala naman upang pinatutunguhan.

“Itigil nyo na po ang imbestigasyon sapagkat wala naman po itong patutunguhan,” sabi ni Bongalon.

Hindi rin nagustuhan ni 1-Rider Rep. Rodge Gutierrez ang imbestigasyon ng Senado.

“With the way things are going, I think it bears some stressing po kasi mismo ‘yung ibang mga senador po nagko-comment na rin,” ani Gutierrez. “In their own way, they (senators) caution the good chairman (Dela Rosa) by saying that perhaps he should reconsider his position on how the inquiry is going.”

Naniniwala si Senator Jinggoy Estrada na ang dating ahente ng PDEA—si Jonathan Morales, na nagsasabi na totoo ang PDEA leaks ay isang sinungaling.

Ayon kay Estrada walang ibang ebidensya na maipakita si Morales upang patunayan ang alegasyon na nag-uugnay kay Pangulong Marcos at aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ipinunto ni Estrada na si Morales ay walang kredibilidad dahil siya ay sinibak sa pagiging ahente ng PDEA at miyembro ng kapulisan.

Sinabi naman ni Senator Grace Poe na nakakabahala ang mga kasong kinakaharap ni Morales.

Kahit na si Senate President Juan Miguel Zubiri ay nagbabala sa kanyang mga kasamahan na huwag magpagamit sa political persecution.

Iginiit rin ni Zubiri ang kahalagahan na magpresinta ng mga ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon.