QCPD Source: QCPD PIO

Pekeng medical social worker arestado sa PH Orthopedic Center

69 Views

ISANG 35-anyos na babaeng nagpanggap umanong medical social worker ang inaresto sa loob ng Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City matapos umano’y makapanloko ng pamilya ng isang pasyente kapalit ng pekeng pangakong mapapabilis ang pagproseso ng guarantee letter at iba pang dokumento para sa operasyon.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nakilala ang suspek sa alyas na “Kimberly,” na naaresto ng mga operatiba ng La Loma Police Station 1 noong Hunyo 26 sa loob ng Male Traction Ward ng POC.

Lumabas sa imbestigasyon na nakilala ng biktima ang suspek sa pamamagitan ng Facebook Messenger matapos maghanap ng medical assistance sa isang Facebook group.

Ipinakilala umano ng suspek ang sarili bilang medical social worker at nangakong maipaproseso ang mga kinakailangang dokumento ng pasyente kapalit ng pera. Umabot umano sa P139,950 ang naibigay na pera sa suspek.

Nadiskubre lamang ang panlilinlang nang beripikahin ng biktima sa pamunuan ng ospital ang status ng mga dokumento at mapag-alamang walang anumang naproseso. Nabigo rin ang suspek na magpakita ng anumang patunay na siya ay awtorisadong medical social worker, dahilan upang ipahuli siya sa pulisya.

Narekober mula sa suspek ang dalawang cellphone at tatlong identification card na gagamiting ebidensya sa kaso.

Lumitaw rin sa beripikasyon ng pulisya na may nauna nang mga kasong estafa ang suspek noong 2024 at 2025.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11032 o Anti-Red Tape Act at Estafa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio, patuloy na paiigtingin ng pulisya ang kampanya laban sa mga manlolokong nagsasamantala sa mga pasyente at kanilang pamilya at hinikayat ang publiko na tiyaking lehitimo ang mga taong nag-aalok ng tulong sa mga transaksyon sa mga ospital at tanggapan ng gobyerno.