Calendar
Piloto ni TV host Willie patay sa deadly chopper crash sa Guimba
Kasama si JUN I. LEGASPI
GUIMBA, Nueva Ecija – Isang 25-anyos na babae na sinasabing piloto ni TV host at senatorial bet Willie Revillame ang nasawi sa isang malagim na helicopter crash sa isang sapa dito noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni police head Lt. Col. George C. Calauad Jr. ang nasawi na si Julia Flori Po ng C-305 Manila Bay Homes, Asia World, Parañaque City.
Siya ang nag-iisang sakay ng isang light helicopter na may body number na RP-C3424 na bumagsak sa tubigang lugar sa Purok Arimung-mong, Barangay San Miguel, alas-5 ng hapon.
Sinabi ni Calauad na naka-sports attire si Po, suot ang sports bra at jogging pants, nang marekober ang kanyang katawan mula sa crash site.
Aniya, patuloy ang recovery operations upang mahanap pa ang mga potensyal na survivors o mga debris mula sa lugar ng pinangyarihan.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter at nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa masusing assessment at technical investigation sa insidente, dagdag ni Calauad.
Kinumpirma rin ng police official na bandang 8:30 ng gabi lumipad dito si Revillame at personal na bumisita sa HM Mina Funeral Parlor sa Bgy. Pacac kung saan dinala ang mga labi ng piloto.
Dagdag ni Calauad, inilabas na rito sa punerarya ang mga labi ni Po at dinala sa Metro Manila bandang alas-12 ng hatinggabi ng Sabado.
Samantala, iniimbestigahan na ng CAAP ang pagbagsak ng helicopter. Batay sa inisyal na impormasyon, umalis ang helicopter mula Maynila noong Pebrero 1 ganap na 10:22 ng umaga patungong Baguio kung saan ito nagbaba ng isang pasahero.
Muling lumipad ito mula Baguio noong 11:51 ng umaga patungong Binalonan at lumapag doon noong 12:05 ng hapon para mag-refuel.
Ayon sa mga opisyal ng Paliparan ng Binalonan, nahirapan ang sasakyang panghimpapawid na muling paandarin ang makina nito bago tuluyang lumipad noong 4:30 ng hapon.
Nakatanggap ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) ng anim na emergency locator transmitter (ELT) alerts sa pagitan ng 7:04 at 7:14 ng gabi.
Kinalaunan, kinumpirma ng mga awtoridad sa Guimba Police Station na natagpuan ang lugar ng pagbagsak sa Purok Arimung-mong.
Hindi nakaligtas sa insidente ang babaeng piloto.
Patuloy pang nagsisiyasat ang mga imbestigador mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ng CAAP upang alamin ang mga pangyayari na humantong sa pagbagsak ng helicopter.