Pintor timbog sa karnap

445 Views

KASONG paglabag sa Republic Act 6539 na inamiyendahan sa R.A 10883 o bagong batas ng Anti -Carnapping law ang kinahaharap ng isang 28-anyos na pintor, matapos matunton sa bisa ng arrest warrant sa bahay nito sa San Andres, Malate, Maynila nitong Miyerkules ng hapon.

Nakilala ang target ng operasyon na si Kim Axl Chamorro, binata ng San Andres St., Malate.

Ayon kay P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District (MPD) – Malate Police Station 9, bandang alas-2:30 ng hapon nitong nakaraang Marso 2, 2022, nang maaresto si Chamorro sa loob ng kanyang bahay.

Nauna rito, nakipagkoordina sa tanggapan ni Borbe ang ilan sa tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) na nakabase sa loob ng compound ng MPD Headquartes bitbit ang warrant of arrest.

Dahil dito, pinangunahan ni P/Maj. Salvador Iñigo Jr., hepe ng Intelligence Branch kasama si P/Lt. Roy Ramos, hepe ng Warrant Section at ilan sa mga tauhan ni P/Lt. Col. Wilfredo Fabros ng CIDG nang puntahan ang naturang suspek dahil na rin sa nakalap na impormasyon.

Isang mandamiento de aresto ang ipinakita kay Chamorro na inisyu ni Judge Bibiano Colasito ng Regional Trial Court Br. 50 na may petsang Hunyo 1, 2021 dahil sa nasabing kaso.

Dahil dito, hindi na lumaban ang suspek ng posasan ito at bitbitin ng mga awtoridad.

Napag-alaman na si Chamorro ay isa sa mga “most wanted person” sa area ng Malate, Maynila.