Calendar
PNP tinatahak direksyong inuuna ang disiplina sa pamumuno ni Nartatez
SA pamumuno ni Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., piniling tahakin ng Philippine National Police (PNP) ang isang direksyong inuuna ang disiplina, maayos na pagpapatakbo ng operasyon, at malinaw na resulta kaysa palabas.
Makikita ang ganitong uri ng pamumuno sa operasyong isinagawa noong Disyembre 13, 2025, bandang ala-1:00 ng hapon, sa C6 Aura Duterte Street sa Barangay Napindan, Taguig City.
Pinangunahan ito ng PNP Drug Enforcement Group sa pamamagitan ng Special Operations Unit NCR, katuwang ang District Intelligence Division ng Southern Police District at ang PDEA NCR.
Limang high value targets ang nahuli sa isinagawang operasyon. Ayon sa mga imbestigador, may mahalagang papel ang grupo sa isang organisadong network ng ilegal na droga. Ang kanilang pagkakaaresto ay nagdulot ng malinaw na pagkagambala sa patuloy na galaw ng droga sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Kasabay nito, nasamsam ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, humigit-kumulang 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush, at 140 piraso ng marijuana oil cartridges. Narekober din sa operasyon ang ilang smuggled cigarettes, bukod pa sa iba pang ebidensyang may kaugnayan sa kaso. Tinatayang lampas P176 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na droga.
Narekober din ng mga operatiba ang isang Glock 17 na baril na may bala, buy-bust money, cellular phone, at identification cards.
Ang tagumpay ng operasyon ay hindi tsamba, kundi resulta ng maingat na paghahanda, disiplina, at pamumunong nakatuon sa mismong gawain.
Sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez, patuloy na itinataguyod ng PNP ang isang pamamalakad na nakatuon sa tuluy-tuloy na aksyon, disiplina, at mga pagbabagong may pangmatagalang epekto, lampas sa pansamantalang atensyon ng publiko.

