NCRPO

Police stations dapat malinis–NCRPO chief

Edd Reyes Oct 12, 2026
22 Views

INATASAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mga pulis sa Metro Manila na tiyaking malinis, maayos, ligtas at kaaya-aya ang kanilang mga himpilan at paligid na lugar.

Sinabi niya na ang himpilan ng pulisya ay hindi lamang lugar para sa trabaho ng mga pulis kundi isa rin itong pasilidad para sa serbisyo publiko kung saan humihingi ng tulong ang mga mamamayan, nagre-report ng mga krimen, naghahain ng mga reklamo, at lumalapit sa pulisya sa oras ng mga matinding pangangailangan.

Ayon sa heneral, nararapat lamang na sumasalamin ang kondisyon ng mga himpilan ng pulisya sa propesyonalismo, disiplina, at paggalang na nararapat ipakita ng mga pulis sa komunidad.

Ipinabatid niya sa mga chief of police at station commanders na ang pagpapanatili ng kalinisan ay isang tuloy-tuloy na responsibilidad na nangangailangan ng kanilang direktang pangangasiwa at hindi lamang isinasagawa sa pamamagitan ng paminsan-minsang paglilinis.

Upang matiyak na mapapanatili ang kalinisan, inatasan ng NCRPO chief ang mga commanders na magtakda ng regular na inspeksiyon, magtalaga ng mga tauhang responsable sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga partikular na lugar, at agad na itama ang anumang kakulangan o paglabag na matutukoy sa mga inspeksiyon.

“Ang kalinisan ng ating mga himpilan ay salamin ng disiplina at malasakit natin sa mamamayan,” sabi pa ni PBGen. Abrahano.