Calendar
Valenzuela police napigilan balisang bebot na tumalon sa footbridge
NASAGIP sa tiyak na kamatayan ng pulisya ang 20-anyos na bebot na dumaranas umano ng pagkabalisa at nagbabalak na tumalon sa footbridge Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.
Nagpapatrulya ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa East Service Road sa Barangay Canumay East pasado alas-4 ng madaling araw nang lapitan sila ng dalawang residente sa lugar upang ipabatid na may babaing nasa mapanganib na lugar ng tulay na tawiran sa Brgy. Canumay West na tila nagbabalak na tumalon.
Kaagad nagtungo sa lugar sina PMSg Rocky Badajos at PSSg Jayson Jamosin ng Sub-Station 1 ng Valenzuela police at mahinahong kinausap ang babae upang mapakalma at hinimok na huwag ituloy kung ano man ang masamang balak.
Nang makakita ng tamang pagkakataon ang mga pulis, hinawakan at pilit nilang inilayo sa mapanganib na lugar ng footbridge ang babae, at sa tulong na rin ng mga kalalakihang nagmamasid sa sitwasyon, matagumpay nilang nailayo sa panganib ang bebot.
Dinala ng mga pulis at mga opisyal ng barangay ang babae sa Female Desk Officer ng Barangay 3S Center sa Canumay West upang mabigyan ng angkop na atensiyon, suporta, karagdagang pagsusuri at intervention upang maliwanagan ang pag-iisip at mailayo sa masamang balakin sa kanyang buhay.
Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang dalawang pulis sa mahinahong pakikipag-usap sa biktima, pati na rin ang tulong ng komunidad na maipabatid ng mabilis sa pulisya ang dinaranas na depresyon ng babae.

