QC pinalakas kahandaan sa bagyo, ulan

Jun I Legaspi Aug 27, 2026
43 Views

PINALAKAS ng Quezon City ang kahandaan sa ulan, bagyo, baha at iba pang kalamidad sa pamamagitan ng pakikilahok ng mamamayan at paggamit ng artificial intelligence (AI).

Nakipag-ugnayan ang QC sa LyfSaver, isang community-powered at AI-assisted disaster information platform, upang iugnay ang mga ulat mula sa mamamayan sa mga umiiral na sistema ng pagtugon gaya ng Helpline 122 at iReport.

Ipinakita ang pakikipagtulungan sa “QC, Laging Ready: Quezon City LyfSaver Roadshow” sa Quezon City Hall, na pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte kasama ang mga convenor ng LyfSaver na sina Dingdong Dantes (YesPinoy Foundation), Atom Araullo (Fyt Media) at Voltaire Tupaz (Lyf Solutions).

“Ang pagbuo ng isang disaster-ready Quezon City ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan,” ani Mayor Belmonte.

Itinatag ang LyfSaver noong 2024 na may modelong crowdsource, verify at mobilize. Gumagamit na ito ng AI-assisted verification at data aggregation habang nananatiling sentro ang human judgment.

“Makakatulong ang teknolohiya sa mas mabilis na pagproseso ng impormasyon, ngunit ang tiwala ay hindi kayang awtomatikong gawin ng AI,” sabi ni Tupaz.

Napatunayan ang bisa ng LyfSaver noong matinding pagbaha sa North Fairview noong Hulyo 2025 dahil nakatulong ang mga ulat ng komunidad upang maabot ng mga responder ang mga residenteng na-trap.

Sa roadshow, sumailalim ang mga kalahok sa hands-on exercises sa information-to-action cycle: pag-uulat ng insidente, beripikasyon at pag-escalate ng impormasyon, at pagkokonekta ng mga ulat sa barangay at city response workflows.

Ayon kay Dantes: “Hindi kailanman nagkulang ang mga Pilipinong handang tumulong. Ang hamon ay kung paano natin ikokonekta ang kahandaang iyon sa tamang impormasyon.”

Nilinaw na ang LyfSaver ay komplementaryo sa mga umiiral na sistema ng Quezon City.

Ang citizen-generated at AI-assisted information ay nagbibigay ng dagdag na layer ng community intelligence para sa mga barangay, QCDRRMO, Helpline 122, iReport at iba pang tanggapan ng lungsod.