Calendar
Refund mechanism para sa P204.3B sobrang singil ng NGCP hirit ni chairman Salceda
ISINULONG ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, ang paglikha ng isang refund mechanism para maibalik sa mga kustomer ang P204.3 bilyong sobrang kinita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa gitna ng maliit na buwis na ibinabayad nito.
Sa kanyang presentasyon sa deliberasyon ng komite, ibinunyag ni Salceda ang labis-labis na kinita ng NGCP, na isa umano sa mga dahilan kaya kinakailangan ang pagkakaroon ng legislative reforms sa layuning mapangalagaan ang mga consumer ng kuryente mula sa sobrang singil.
Mula 2016 hanggang 2020, sinabi ni Salceda na ang kita na inaprubahan ng Energy Regulatory Comission (ERC) ay nasa P183.5 bilyon, samantalang umabot sa P387.8 bilyon ang aktwal na kita ng NGCP, na nagresulta sa sobrang kita na nagkakahalaga ng P204.3 bilyon.
Binigyang-diin ni Salceda ang kagyat na paggawa ng hakbang upang maipatupad ang pag-refund ng sobrang kita pabor sa mga konsyumer.
“There is a 204.3 billion that has been computed by the ERC as being in excess of each WACC (weighted sverage cost of capital). And, there is no provision in law. That’s the problem,” ayon kay Salceda.
“Ever since I became a congressman, almost every law I put that pertains to regulated industries, I always make sure that anything above WACC belongs to the people or belongs to the state. If it’s PPP (public-private partnership), it belongs to the state, because they’re actors on behalf of the state,” saad pa nito. “If it’s a franchise that deals with the consumers, then the excess revenues belong to the consumers. And, there should be a process of disgorgement, of repayment.”
Sa katunayan, sinabi pa ni Salceda na ang NGCP ang tanging kompanya sa energy sector na hindi nagbabayad ng Corporate Income Tax (CIT), Value-Added Tax (VAT) at Real Property Tax (RPT).
Sa halip, ito ay sinisingil lamang ng 3 porsiyento franchise tax, na siyang pinakamababang rate kumpara sa mga utility na may mga rate na itinakda ng batas, tulad ng PAGCOR at Cebu Air na nagbabayad ng 5 porsiyento, pati na rin ang mga horse racing entities na umaabot ng hanggang 8.5 porsiyento.
Ipinunto pa ng mambabatas na kumpara sa mga naunang kumpanya tulad ng NAPOCOR at TRANSCO, ang income tax exemption ng NGCP ay walang kondisyon.
Ang NAPOCOR ay obligadong gamitin ang mga kinita nito para sa pagpapalawak ng kanilang operasyon, samantalang ang TRANSCO naman ay kinakailangang ilipat ang kanilang mga kita sa PSALM Corporation.
Habang ang NGCP ay exempted mula sa buwis at walang anumang kondisyon na magtatakda ng reinvestment o benepisyo para sa publiko.
Isa pang ipinunto ni Salceda ay ang umano’y kawalan ng malinaw na mekanismo para sa makatarungang rate of return ng NGCP.
Ayon kay Salceda, naiiba ang NGCP kumpara sa iba pang mga sektor, dahil ang mga kita nito ay hindi nililimitahan ng batas.
Sa halip, ang ERC ang nag-audit ng kita ng NGCP ayon sa EPIRA, gamit ang Performance-Based Regulation (PBR) system, na nakadepende sa tamang WACC.
“Can Congress still amend the NGCP franchise to make its tax and profit structure fair? Yes. Section 2, terms and conditions. This franchise shall be for a term of 50 years from date of effectivity. It is by granted and unconditionally shall be subject to amendment, alteration or repeal by Congress when the common good so requires,” saad pa ni Salceda.
Kinuwestyon din ni Salceda ang umiiral na WACC na 15.04 porsiyento, na aniya’y “labis na mataas.” Iminungkahi ng kongresista na ibaba ito sa 10.3 porsiyento upang umayon sa international standards at magdulot ng malaking ginhawa sa mga konsyumer.
Upang masolusyonan ang mga isyung ito, iminungkahi ni Salceda ang limang panukalang batas.
Una, ang paggamit sa SGP, na proxy ng NGCP, bilang batayan sa pagtukoy ng WACC upang maging patas at magkaroon ng transparency.
Ikalawa, iminungkahi ni Salceda na isailalim ang NGCP sa national security review ng Interagency Investment Promotion Coordination Committee (IIPCC). Pinagtibay niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay dahil sa mga isyung may kaugnayan sa dayuhang kontrol.
Ikatlo, iminungkahi ni Salceda na ilipat ang NGCP mula sa kasalukuyang franchise tax regime sa regular tax regime, katulad ng sa mga water utility, upang matiyak ang patas na pagbabayad ng buwis. Sinabi ng mambabatas na ang malilikom na kita mula rito ay maaaring gamitin para sa Pantawid Kuryente subsidy o pangkalahatang pagbaba ng singil sa kuryente.
Ikaapat, iminungkahi ni Salceda ang pagtatakda ng makatwirang rate of return para sa NGCP, na katulad ng tradisyunal na 12 porsiyentong maximum Internal Rate of Return (IRR) na ginagamit para sa mga strategic industries bago ang pagpapatupad ng PBR.
At panghuli, hiniling ni Salceda ang pagpapataw ng windfall tax sa labis na kita ng NGCP, na maaaring gamitin para sa mga subsidiya ng mga konsyumer. Binanggit niya ang mga probisyon ng EPIRA na nagpapahintulot ng pagbabalik ng sobrang kita bilang dahilan para dito.
Binigyang-diin ng mambabatas na may kapangyarihan ang Kongreso na amyendahan ang prangkisa ng NGCP upang gawing mas makatarungan ang kanilang sistema ng buwis at kita.
Hinikayat din niya ang kapwa mambabatas na gumawa ng hakbang upang matiyak na ang NGCP ay magtatrabaho nang tapat at para sa kapakanan ng nakararaming Pilipino.