Calendar
Remittance mula China tinanggap ng Cale88, base sa AMLC records
TUMANGGAP ng inward remittances mula China at iba pang bansa ang Cale88 Foods Corp.kumpanyang iniugnay kay Atty. Manases Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, batay sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council na iniharap ng prosekusyon sa Senate impeachment court nitong Lunes.
Iniharap ng prosekusyon si AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura sa Day 33 ng impeachment trial upang patotohanan ang mga financial record na ginagamit nito sa Article II, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.
Kabilang sa offer of testimony kay Buenaventura ang summary ng covered transaction reports at suspicious transaction reports hinggil sa inward remittances na natanggap ng Cale88 mula China at iba pang bansa.
Ipinakita rin ng prosekusyon sa korte na nais nitong gamitin ang AMLC records upang matunton ang pinagmulan at galaw ng pera sa mga transaksyong kaugnay nina Duterte, Carpio at ilang juridical entities.
Sa presentation ng prosekusyon, sinabi nitong may perang mula China na pumasok sa food manufacturing company ng asawa ng Bise Presidente. Ang pahayag ay bahagi ng prosecution theory na kailangan pang patunayan at timbangin ng impeachment court.
Nauna nang naiharap sa paglilitis ang corporate records na nagpapakitang naging incorporator, director at stockholder si Carpio ng Cale88. Ang mga rekord na iyon ang nag-uugnay kay Carpio sa kumpanyang ngayon ay kabilang sa mga entity na sinusuri sa AMLC testimony.
Kasama rin sa offer of testimony ang mga summary ng covered at suspicious transactions nina Duterte at Carpio at ng 15 juridical persons, pati insurance at investment-related transactions.
Ayon sa prosekusyon, layunin ng testimonya ni Buenaventura na ipakita kung paano pumasok at lumabas ang pera at kung ano ang nakasaad sa reports na isinumite ng mga bangko at iba pang covered institutions sa AMLC.
Hindi nangangahulugang ilegal ang isang transaksyon dahil lamang napabilang ito sa covered transaction report o suspicious transaction report.
Ang mga naturang report ay financial records na inihahain sa AMLC sa ilalim ng anti-money laundering system. Ang bigat ng mga ito bilang ebidensiya ay nakasalalay sa kung ano ang mapatutunayan ng prosekusyon tungkol sa pinagmulan, layunin at destinasyon ng pera at sa kaugnayan nito sa Article II.

