Calendar
Zamora bumuwelta sa mga bashers
BINIRA ni House prosecutor Ysabel Maria “Bel” Zamora ng San Juan ang mga bumabatikos sa kanya online dahil sa paraan ng kanyang pagsasalita at pagharap sa korte.
Sinabi niya nitong Linggo na mas makabubuting ituon ng mga ito ang kanilang enerhiya sa mga merito ng impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte kaysa sa pag-atake sa kanyang kilos at paraan ng pagpapahayag.
“Siguro pagtuunan na lang nila ng pansin ‘yung merits ng kaso kaysa ‘yung naninira sila,” sabi niya sa isang panayam kay Milky Rigonan ng Iyung Pambayan sa dzRH noong Linggo.
Itinuro ni Zamora na sinumang nakapanood ng kanyang mga nakaraang panayam at press conference ay makaaalam na walang ipinagkaiba ang kanyang pagganap sa korte sa paraan ng kanyang pagdadala sa sarili saanman.
“Siguro kung tingnan nila ‘yung mga presscon ko noon, interviews ko. Alam naman ninyo, binabatikos nila ako dahil sa paraan ng pagsasalita ko, sa paraan ng pagharap ko, dahil sa confidence ko, dahil sa English at Tagalog ko,” aniya.
“Ayaw ba nila ng magandang accent?” pabirong tanong niya.
Ang direct examination ni Zamora kay Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosive Office records chief PMAJ Joecrison Sangalan ay naging paksa sa social media, kung saan maraming nagkomento at nangutya sa kanyang accent at paraan ng pagtatanong.
Kinondena ng mga kapwa mambabatas at mga non-government organization ang mga komento bilang misogynistic o mapanlait sa kababaihan. Tinanggihan nila ang paratang na “flirtatious” o malandi, at iginiit na hindi dapat gamitin laban sa isang babae ang kanyang likas na kilos, tono, at paraan ng pagsasalita upang kuwestiyunin ang kanyang kredibilidad o katayuan bilang isang pampublikong opisyal.
Nagpasalamat si Zamora sa mga kasamahan at tagasuportang dumepensa sa kanya, at sinabing nauunawaan ng mga tunay na nakakakilala sa kanya na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho.
“Pinasasalamatan ko silang lahat, at pinahahalagahan ko ang kanilang pagkakaibigan. Pinahahalagahan ko ang kanilang kabaitan. Kilala nila ako. Nagsisikap lang ako nang husto. Sumusunod lang po ako sa yapak ng daddy ko. Nakikita nila ako araw-araw sa Kongreso. Hindi po ako nag-a-absent. Nag-aaral ako nang mabuti at noon pa man, ganoon na po ako—mula pa sa law school, mula high school—at ibinibigay ko ang aking makakaya sa trabahong ginagawa ko,” aniya.
“Sa tingin ko, susuportahan ako nang buong-buo ng aking mga nasasakupan sa San Juan. Kaya nagpapasalamat ako sa mga taong sumusuporta sa akin at sa mga taong nakauunawa sa ginawa ko at sa ginagawa ko,” dagdag niya.
Muling iginiit ni Zamora na wala siyang dapat hinging tawad at lalo nang wala siyang dahilan upang makipagtalo o makipagsagutan—lalo na sa mga video na ginawa gamit ang AI na binabaluktot ang kanyang direct examination at kumakalat online. Aniya, hindi karapat-dapat sa kanyang atensyon ang mga ito.
“Kaya gaya ng sinabi ko, hindi ito isang bagay na hihingian ko ng tawad. Sinabi ko na ipinadala ako ng mga magulang ko sa magagandang paaralan, at nagkaroon ako ng pagkakataong magkaroon ng napakahusay na kasanayan sa wika, na mas mahusay kaysa sa maraming tao,” aniya.
“Pero muli, hindi naman dapat pinapansin ‘yung mga taong ganyan, di ba?” dagdag niya.
Dumipensa naman ang prosecution panel para kay Zamora, na sinabing ang mga pag-atakeng itinuturing nilang misogynistic ay bahagi ng isang kapansin-pansing pattern: kapag hindi kayang hamunin ng mga kritiko ang mga argumento ng prosekusyon batay sa kanilang nilalaman, sa halip ay ina-atake nila ang mga taong naglalahad ng mga ito.
