DOH Source: DOH FB post

Rep. Tiangco pinayuhan mga Pinoy na ingatan mga anak sa paputok

16 Views

HINIMOK ni Navotas Representative Toby Tiangco ang publiko na sundin ang itinakdang regulasyon ng kanilang mga local government unit (LGU) sa paggamit ng paputok ngayong Bagong Taon.

Ang paalala ng kongresista ay kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) na 43-katao na sa buong bansa ang nasugatan sa paggamit ng paputok mula lang noong Disyembre 22 hanggang 25.

Sa Navotas pa lamang, apat na menor-de-edad na pawang mga 7-anyos hanggang 9 na taong gulang ang nasugatan sa mga paputok.

“Nakakalungkot dahil karamihan ng mga naaaksidente sa paputok ay mga bata. Ayon sa report ng DOH, 20 sa mga naaksidente ay mga kabataang may edad na 19 pababa,” sabi ni Tiangco.

“Nanawagan po tayo sa lahat na sumunod sa pamantayan ng ating mga LGUs at maging responsable sa paggamit ng paputok,” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Tiangco sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang panghuhuli sa mga nagbebenta ng iligal na paputok, lalo na sa online.

“Madiskarte na rin ang mga nagbebenta ng iligal na paputok. Ang ilan, nagbebenta na rin online kaya dapat itong bantayan nang maigi ng ating kapulisan,” sabi ni Tiangco.

“Magtulungan po tayo. Sa pangunguna ng kapulisan at ng mga LGUs, hinihimok ko po ang lahat na sumama sa pag-monitor at pag-report ng mga gumagamit at nagbebenta ng mga iligal at ipinagbabawal na paputok,” dagdag pa niya.

Nauna ng inilabas ng PNP ang listahan ng mga iligal at malalakas na paputok na bawal ibenta maging sa online.

Ayon sa PNP, iligal ang mga ito dahil sobra ang timbang ng pulbura na karamihan ay 1/3 na kutsara o 0.2 gramo, bukod pa sa walang tamang marka kung anong kompanya ang gumawa ng mga ito. Nina RYAN PONCE PACPACO & EDD REYES