Martin

Right of way law pinaaamyendahan para bumilis gov’t projects

200 Views

UPANG mapadala ang paggawa sa mga proyekto ng gobyerno, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukala na amyendahan ang Right of Way (ROW) Act.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez mahalaga na matapos sa oras ang mga proyekto ng gobyerno na makatutulong sa pag-unlad ng bansa at pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino.

“The timely implementation of these infrastructures will benefit our people, as it will definitely speed up mobility and interconnectivity, which in turn will result in lower transportation costs,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang House Bill 6571 ay pinaboran ng 239 kongresista at tatlo lamang ang tumutol dito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na maraming proyekto gaya ng kalsada, tulay, expressway, railway, airport at mga katulad nito ang hindi natatapos sa oras dahil sa isyu ng ROW.

“Let us put an end to this gridlock. Private ownership should give way to public interest and welfare,” giit ni Speaker Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, ang mga implementing agency ay papayagan na gamitin ang lahat ng legal na opsyon upang makuha ang ari-arian na daraanan ng proyekto.

Ang mga ahensya ay maaaring mag-alok sa may-ari na bilhin ang ari-arian batay sa current market value o zonal value alinman ang mas mataas batay sa pagtataya ng Bureau of Internal Revenue.

Sasagutin din ng ahensya ang gastos sa pagpapalit ng imprastrakturang masisira at babayaran maging ang mawawalang kita sa ay-ari dahil dito.

Kung walang kuwestyon sa titulo, agad na babayaran ang may-ari kapag napirmahan na ang deed of sale.

Kung mayroong problema sa titulo, ang may-ari ang siyang magpapatunay na ito ang totoong may-ari ng lupa.

Kung ang lupa ay ginagamit ng mga informal settlers, ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ay dapat na maghanap ng resettlement site para sa kanila.