Calendar
Robin: Kailangang mag-adjust ang Saligang Batas sa pangangailangan ng panahon
DAHIL marami na ang mga pagbabago sa nakaraang 35 taon, kailangan nating lahat na mag-adjust sa panahon sa halip na manatiling sarado – at hindi liban dito ang ating Saligang Batas.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes, sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na kanyang pinamumunuan.
“Nasa 2022 na tayo. Kailangan lamang siguro sa panahon ngayon ay mag-adjust tayo kung ano ang nangyayari, una sa paligid natin at kung ano ang nangyayari sa mundo. Dapat nandoon na po tayo. Hindi po tayo dapat sarado,” ani Padilla.
“Kailangan bukas tayo dahil ang mundo ay bukas na bukas na, at ang lahat ay gumagamit na ng internet. Ang lahat pwede nang magnegosyo sa pamamagitan ng isang text o paggamit ng computer. Yan lang po,” dagdag niya.
Ayon kay Padilla, bagama’t wala siyang sinisisi o sinasabing may mali sa 1987 Constitution, ang mga Saligang Batas sa ating kasaysayan ay dumaan sa pagbabago.
“Kailan man po wala kaming sinabi na kasalanan ng isang pangulong dumaan kung ano man po ang nangyayari na kahirapan sa Pilipinas. Wala po kaming sinasabing ganoon. Ang malinaw po naming pinaparating po sa inyo na sa mga dumaan na panahon, natural lamang po na nagbabago ang Constitution,” aniya.
Ipinunto niya ang sinabi ng isang resource person sa pagdinig, si Prof. Anthony Amunategui Abad, na nag-a-adjust ang Constitution sa takbo ng panahon.
Ani Padilla, sa Estados Unidos, nagkaroon na ng pagbabago sa kanilang Constitution, kung kaya’t “ibang iba na” ang kasalukuyan nilang Konstitusyon sa Saligang Batas nila noong 1776.
Inulit din niya na papakinggan ang lahat ng panig sa pagdinig ng kumite niya, dahil naging balanse siya rito, at lahat ay may boses sa pagdinig na ito.
Samantala, pinuri ni Abad ang tapang na ipinakita ni Padilla sa mga pagdinig. Dagdag nito, ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ang makikinabang sa pagtalakay ng mga posibleng pagbabago sa Saligang Batas.
“For the record, I’d like you to know I think this is an act of courage on your part, it is both patriotic and heroic. So far from what I’ve seen sa long history natin sa legislature, what you’re doing now is historic. And sana kung magkatotoo nga, you will have the thanks of many unborn Filipinos. Bale next generation ang makikinabang sa pag-amend natin sa Constitution,” ani Abad.