Vic Reyes

Sa mga kaibigan natin sa aduana, kayod pa more

Vic Reyes Jul 20, 2025
362 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa Japan.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Aimi Houchii, La Dy Pinky,Patricia Coronel, Chato Coronel, Endo Yumi, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, Roana San Jose at si Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)

***

Mabigat ang trabahong nakaatang kay bagong Commissioner Ariel S. Nepomuceno ng Bureau of Customs (BOC).

Kailangang matigil ang ismagling at korapsyon sa aduana para makalikom ng sapat na pondo ang ahensya.

Kailangan ni Pangulong Marcos ng sapat na pera para magawa ang mga socio-economic development projects ng administrasyon.

Ang ibig sabihin nito “kayod-kalabaw” ang mga taga-BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ang BIR at BOC ang major revenue-generating offices ng gobyerno.

Kaya hindi puwedeng magpabaya sa trabaho ang mga opisyal at kawani ng BOC at BIR.

Sa mga kaibigan natin diyan sa aduana, kayod pa more !

***

Sa isang Lunes ay Hulyo 28 na, ang pagbubukas ng 20th Congress.

Ito ang Inaabangan ng taumbayan dahil nakatakdang i-deliver ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang taunang state-of-of-the-nation address (SONA) sa joint session ng Congress sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.

Marami ang nag-aabang sa SONA dahil dito nakapaloob ang mga programa, proyekto at iba pang plano ng administrasyon sa taong ito.

Ito ang tinatawag na“Legislative Agenda” ng administrasyon na dapat ipasa ng Senado at House of Representatives.

Mahalagang maipasa ito para mabigyan ng sapat na pondo ang mga programang nakapaloob dito.

Sa tingin naman natin ay madaling papasa sa House of Representatives ang nasabing Legislative Agenda.

Inaasahan naman kasing mananatiling House Speaker si Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ibang usapan pagdating sa Senado. Sa tingin ng marami, baka dumaan sa butas ng karayom ang nasabing legislative agenda.

Okay lang ito basta kailangang pumasa ito sa Senado para magawa ang mga dapat gawin ng gobyerno.

Kailangang masimulan na ang mga nalalabing programa ni Mr. Marcos sa nalalabing araw ng kanyang termino.

Hindi puwedeng maantala ang implementasyon ng mga programa at proytekto ng administrasyon.

****

Perhuwisyo talaga ang dulot ng mga pagbaha sa bansa.

Ang kawawa dito ay ang mga mahihirap na nawawalan ng kita kung laging suspendido ang pasok sa trabaho.

Saan kukuha ng pambili ng pagkain ang mga empleyadong “no work, no pay?

Paano yong mga batang hindi makapasok sa klase kung mataas ang tubig-baha sa kanilang lugar?

Ang mahirap pa, paano kung may magkasakit sa pamilya?

Ang mahal-mahal pa naman ng presyo ng mga gamot at pambayad sadoctor.

Usong-uso pa naman ang sipon, ubo, trankaso at diarrhea sa panahon ng tag-ulan.

Hindi bale sana kung palaging may makukuhang gamot sa mga health centers.

Kaso laging ubos ang mga gamot dahil sa dami ng nagkakasakit.

Problema talaga, lalo na sa mga mahihirap.