Calendar
Sanggol na dinukot ng palaboy naibalik na sa mga magulang
NAIBALIK na sa kanyang mga magulang ang isang taong gulang na batang babae na dinukot umano ng isang babaeng palaboy sa lansangan sa Quezon City noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat, ang bata na kinilalang si baby Jane ay kinuha sa isang convenience store sa Quezon City noong Disyembre 10.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dinala ng suspek ang bata hanggang Caloocan City at huminto sa isang convenience store sa bahagi ng Sangandaan. Doon ay iniwan umano ng suspek ang natutulog na bata.
Isang mag-asawang naawa sa bata ang pansamantalang nag-alaga rito. Ayon sa kanila, pinakain nila ang bata, binigyan ng damit at pinatulog sa maayos na lugar.
Nang makita ng kanilang kamag-anak ang isang social media post tungkol sa nawawalang bata, agad silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Naaresto na ang 20-anyos na suspek at sinampahan ng kaukulang kaso. Inamin din umano ng suspek na ginamit niya ang bata sa pamamalimos.
Nagpasalamat naman ang ama ng bata sa lahat ng tumulong sa paghahanap sa kanyang anak at nangakong hindi na mauulit ang insidente.
Ayon sa ulat ay magkakakilala ang babaeng suspek at ang magulang ng bata dahil magkatabi lamang ang kanilang tinutulugan sa bangketa.
Naghahanda ang ama at ina ni baby Jane ng kanilang kakainin sa labas ng isang convenience store nang alukin sila ng suspek na siya na lang ang sasagot ng kanilang ulam.
Nang pumayag ang mag-asawa ay agad kinarga ng suspek ang sanggol subalit halos ilang oras at araw na silang naghihintay ay hindi pa bumabalik ang suspek kaya nagsumbong na sila sa pulis.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-6 ng gabi ay nakita sa CCTV sa lugar ang suspek habang karga ang bata kaya agad nilang pinuntahan ang convenience store noong Disyembre 12 at dinampot ang suspek pero wala sa kanya ang sanggol.
Nabatid pa ng pulisya na nakita ang suspek na namamalimos habang may kargang bata.

