Lopez

Sec. Lopez, Sen. JV sinuri NSCR, Metro Manila Subway

Jun I Legaspi Sep 18, 2026
18 Views

Lopez1Lopez2Lopez3ISANG araw matapos ang groundbreaking ng Metro Manila Subway Project (MMSP) NAIA Station na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., personal na ininspeksyon nina Kalihim ng Transportasyon Banoy Lopez at Senate Finance Committee Chair Senador JV Ejercito ang mga malalaking proyekto sa riles gaya ng North-South Commuter Railway (NSCR) at ang Metro Manila Subway.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang utos sa DOTr na pabilisin ang konstruksyon ng mga railway project upang masiguro ang maagap na pagtatapos at mapagaan ang araw-araw na biyahe ng mga Pilipino.

Tiniyak ni Sec. Lopez na pinabibilis ng DOTr ang pagpapatayo ng dalawang pangunahing sistema ng riles upang makatipid ng oras ang mga pasahero at mapataas ang kanilang produktibidad.

“Ang maganda dito, naipapakita natin kay Sen. JV na ang pagprotekta niya sa pondo ng NSCR at Subway ay may malinaw na nararating. Kailangan nating itulak pa lalo ang ganitong proyekto,” ani Lopez.

Nagbigay naman ng katiyakan si Sen. Ejercito na buo ang suporta ng Senado sa pondong nakalaan para sa mga railway system.

“Sana ngayon tuloy-tuloy na, para wala nang abala sa pondo at wala nang delay. Gusto kong masiguro na agad na magagamit ng ating mga kababayan ang NSCR at Subway,” wika ng senador.

Kasama sa kanilang inspeksyon ang West Valenzuela Station at Operations Control Center ng NSCR, ang Metro Manila Subway depot at Quirino Station, pati na rin ang Philippine Railway Institute (PRI). Sinuri rin nila ang 8-car train set ng NSCR na kayang magsakay ng 2,200 pasahero kada biyahe.

Ang NSCR at MMSP ay parehong pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at inaasahang makapagpapagaan ng trapiko sa Kalakhang Maynila habang magpapalago ng ekonomiya sa mga karatig-probinsya.

Ang 147-kilometrong NSCR na may 35 istasyon ay inaasahang magseserbisyo sa 800,000 pasahero araw-araw mula Metro Manila, Central at Southern Luzon.

Ang 33-kilometrong MMSP naman ay makikinabang ang 519,000 pasahero, at magpapabilis ng biyahe mula Valenzuela City hanggang NAIA Terminal 3 sa loob ng 40 minuto mula sa kasalukuyang 1 oras at 10 minuto.

Kasama rin sa inspeksyon ang mga kinatawan mula sa Embahada ng Japan, JICA, at mga opisyal ng DOTr Railways.