Batangas

Sekyu iligal na nagpaputok ng baril, inaresto

50 Views

Batangas1

KAMPO HENERAL MALVAR — Arestado ang 48-anyos na security guard noong Sabado ng mga tauhan ng Nasugbu police Station dahil sa ilegal na pagpapaputok ng baril, ayon kay P/Col. Meliton Salvadora Jr.

Kinilala ang suspek na si alyas na Roy.

Ayon sa imbestigasyon, dumating sa lugar ang mga biktima sakay ng motorsiklo na may sidecar upang maghatid ng parcel o padala.

Tinanong nila ang suspek kung kilala nito ang padadalhan at itinuro naman nito ang isang bahay.

Subalit sa hindi inaasahang dahilan, bigla na lamang nagpaputok ng baril ang sekyu.

Dahil sa takot, agad na umalis ang mga biktima ngunit muling nagpaputok ng baril ang suspek habang sila ay umaalis.

Kusang sumuko ang suspek at isinurender sa mga pulis ang kanyang baril na kalibre .38.

Haharap ang suspek sa kasong alarm and scandal, illegal discharge of firearms at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).