Calendar
Pinangunahan nina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso,Vice Mayor Chi Atienza, MMDA Chairman Romando Artes ang groundbreaking ceremony ng Senior Citizens Park at Community Pet Park (Plaza Azul) sa Nagtahan, Pandacan nitong Martes ng umaga, Enero 20. Kuha ni JONJON C. REYES
Seniors’ Citizens, Pet Park malapit nang itayo sa Pandacan — Yorme Isko
SISIMULAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang proyektong Senior Citizens’ Park and Pet Park na hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Pandacan, Manila.
Ito’y makaraang isagawa ang groundbreaking na pinangunahan nina Mayor Isko Moreno Domagoso, MMDA Chairman Atty. Don Artes, Department of Budget and Management (DBM Usec. Goddess Libiran, at Vice Mayor Chi Atienza Martes ng umaga na proyektong pinagtulungang maisakatuparan ng lokal at pambansang pamahalaan.
Ayon kay Chairman Artes, may tatlong taon ng nakabimbin ang naturang proyekto na hindi masimulan dahil kulang ang P39 milyong pondong ipinagkaloob ng DBM sa ilalim ng kanilang Green, Green, Green Program kaya’t nang kausapin siya ni Mayor Isko Moreno na tulungang madagdagan ang pondo para rito, kaagad niya itong tinugunan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng P40 milyon.
Sinabi pa ni Artes na nais ng alkalde na malagyan ng mas maraming puno at open spaces ang parke kung saan puwedeng maglakad, mag-zumba ang mga senior citizen kaya binago nila ang disenyo para gawing environmentally friendly.
Ayon naman kay Yorme Isko, halos tatlong taong dumanas ng paglanghap ng alikabok at madilim na daan ang mga taga-Pandacan nang itayo ang Skyway kaya ang una niyang naging hakbang ay “kapalan” ang kanyang mukha na lapitan ang negosyanteng si Ramon Ang para hilinging pailawan ang lugar na tinupad naman aniya ng negosyante, kasunod ng paglapit niya kay Chairman Artes para doblehin ang nakalaang pondo.
“Sinabi sa’kin ni Chairman Artes, ‘Pare, solihin mo sa’kin ‘yung pera, dodoblehin ko.’ So we did. I trusted and I believe with Chairman Artes that he and the MMDA family will fulfill their commitment to the City of Manila. Isinoli namin at totoo, totoong nangyari. Eto tayo ngayon. Magkakaroon na tayo ng Senior Citizen Park and Pet Park in Manila,”, pahayag ng alkalde kasabay ng pasasalamat, hindi lamang kay Chairman Artes, kundi kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na aniya ay malaki ang naitutulong sa mga lokal na pamahalaan.

