Shabu

Shabu, boga, bala nasamsam sa tulak

Steve A. Gosuico Jan 9, 2026
857 Views

CAMP GEN. MARIANO LLANERA, Cabanatuan City–Timbog ang isang hinihinalang drug suspek matapos mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng halos P500,000 at dalawang baril noong Huwebes sa Talavera, Nueva Ecija.

Dakong ala-1:20 ng tanghali nasakote ang 34-anyos na suspek na nakatira sa Brgy. Pinagpanaan, ayon sa ulat kay Nueva Ecija police chief P/Col. Heryl Bruno.

Nahuli ang suspek matapos ito magbenta ng shabu ng halagang P1,000 sa isang police poseur buyer.

Nakuha pa mula sa suspek ang marked money, tatlong plastic sachet na may lamang shabu, dalawang cal. 22 revolver at anim na bala.

Sa kabuuan, may timbang na 64 na gramo ng shabu na may halagang P435,200 ang nakumpiska mula sa suspek.

“Kasalukuyang pa naming iniimbestigahan ang network ng suspek upang makilala ang iba pang sangkot sa ilegal na operasyon,” sabi ni Col. Bruno.