Sekyu

Sikyu sinuntok sa dibdib PWD, video nag-viral

174 Views

VIRAL ngayon sa social media ang video ng umano’y pananakit ng isang security guard sa isang person with disability (PWD) sa loob ng isang bookstore sa isang mall sa Quezon City.

Ayon sa isang saksi, nakita umano nito kung paano sinuntok sa dibdib ng security guard ang PWD na sinasabing may mental disability.

Nagsimula umano ang insidente matapos na kumuha ng ballpen ang PWD. Gayunman, iginiit nito na hindi dapat maging dahilan ang naturang insidente upang saktan o gulpihin ang isang taong may kapansanan.

Ilang tao umano ang nakasaksi sa insidente, ngunit wala umanong agad na umawat sa nangyari.

Samantala, nakipag-ugnayan na ang Quezon City Persons with Disability Affairs Office (QC-PDAO) sa pamilya ng PWD na residente ng Pasay City upang magbigay ng kaukulang tulong, kabilang ang access sa legal assistance at iba pang serbisyong maaaring ipagkaloob ng tanggapan.

Nakikipag-ugnayan din umano ang QC-PDAO sa Pasay City government kaugnay ng insidente.

Sinabi ng QC-PDAO na sinusuportahan nito ang Quezon City Police District (QCPD) sa imbestigasyon upang agad na matukoy ang buong katotohanan sa likod ng insidente.

Binigyang-diin ng tanggapan na walang sinuman, kabilang ang mga PWD, ang dapat sumailalim sa pang-aabuso, nakasisirang pagtrato o anumang uri ng hindi makataong gawain.

Iginiit din ng QC-PDAO na bawat indibidwal ay may karapatang tratuhin nang may dignidad, respeto at kaligtasan.

Sa hiwalay na pahayag, tiniyak naman ng iniuugnay na book store ang kanilang commitment na mapanatili ang ligtas na kapaligiran para sa lahat ng kanilang customer, kabilang ang mga PWD.

Binigyang-diin ng bookstore ang kahalagahan ng paggalang at pantay na pagtrato sa bawat customer.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot sa insidente.