Calendar
Smartmatic data breach seryosong tinitignan ng Lakas-CMD
SERYOSO umanong tinitignan ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang napaulat na security breach sa Smartmatic, isa sa kontraktor na kinuha ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 9 election.
Ito ang sinabi ni vice presidential candidate at Lakas-CMD chairperson Sara Duterte sa panayam sa Cebu.
“Yes oo, nagmeeting kami sa legal team sa Lakas-Christian Democrats and in the way forward with the legal team, para sa mga questions and issues with regard to procedure and sa system sa Comelec in the conduct of May 2022 elections,” tugon ni Duterte sa tanong ng isang mamamahayag.
Nagsagawa ang Senado ng pagdinig kaugnay ng isyu.
Ayon kay Sen. Imee Marcos nagkaroon ng “very serious” security breach sa operasyon ng Smartmatic na kinasasangkutan ng isang empleyado nito na mayroong access sa confidential information na may kaugnayan sa halalan.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at National Privacy Commission sa insidente.