sara

Social distancing, face mask hindi na mandatory sa graduation—DepEd

203 Views

HINDI na umano mandatory ang social distancing at pagsusuot ng face masks sa graduation at moving up ceremony ng mga pampublikong paaralan.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang full in-person end-of-school year (EOSY) rites ay gagawin mula Hulyo 10 hanggang 14.

Ang tema ng EOSY ngayong taon ay “K to 12 Graduates: Molded through a Resilient Educational Foundation” na sumasailalim umano sa naging tagumpay ng mga estudyante sa kabila ng mga hamon na kanilang kinaharap.

Muling inulit ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ang kanyang panawagan na huwag gawing magarbo at magastos ang EOSY rites.

“Moving up or graduating rites shall be conducted in an appropriate solemn ceremony befitting the graduating students and their family, and shall not be used as a political forum,” dagdag pa ni Duterte.

Sa inilabas na guidelines ng DepEd ay pinagbabawalan din ang sinumang tauhan ng DepEd na mangolekta ng mga kontribusyon o graduation/moving up fee.

Ang gastos sa EOSY rites ay kukunin umano sa maintenance and other operating expenses ng paaralan o Alternative Learning System program support funds.