Calendar
Hawak ni Sen. Imee Marcos ang minority report sa ginawang press conference kasama si Sen. Rodante Marcoleta nitong Enero 20, 2026 sa Senado. Kuha ni JOSEPH MUEGO
Sotto: Minority report di opisyal na pananaw ng Senado
“MINORITY report sa flood control, isang pirasong papel lang?”
Ito ang tanong ngayon matapos sabihin ni Senate President Vicente Sotto III na ang tinaguriang “minority report” na isinumite ng ilang senador ay “walang bisa” hangga’t hindi naisusumite at tinatalakay sa plenaryo.
Ipinaliwanag ni Sotto na sa ilalim ng patakaran ng Senado, nagiging opisyal lamang ang mga ulat ng komite kapag ito ay pormal na inisponsor sa floor.
“Kung hindi pa ito tinatalakay sa floor, ito ay nananatiling personal na pananaw ng mga may-akda at hindi opisyal na akto ng Senado,” sabi ni Sen. Sotto.
Tila inihanda ang dokumento “para sa media kaysa sa plenaryo” dahil ipinamahagi ito sa mga mamamahayag bago napag-usapan sa loob ng Senado, ayon sa senador.
“Hindi ganun ang proseso. Dapat sa Senado muna pag-usapan, hindi sa labas,” ani Sotto.
Suportado ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Sotto.
Hindi niya maaaring igalang ang isang dokumentong “sumasagisag ng kawalang-galang” sa Blue Ribbon Committee at sa buong Senado, ayon kay Sen. Lacson.
“How will I respect a document that symbolizes disrespect towards the Blue Ribbon Committee and the entire Senate?,” aniya.
Alinsunod sa rules ng Senado, tanging ang Blue Ribbon Committee lamang ang maaaring maglabas ng opisyal na ulat kapag pirmado ito ng mayorya ng mga miyembro at hindi ng anim lamang sa siyam na kasapi ng minority bloc, dagdag ni Lacson.
“Respect begets respect. Papaano ko itatrato with respect ang isang dokumento that symbolizes disrespect toward the Blue Ribbon Committee and the entire Senate?” sabi ni Lacson.
“So ang bagsak noon, sa basurahan,” dagdag pa niya.
Tinutukoy niya ang 576-pahinang “ulat” na iniharap ng minority bloc sa Senate media noong Martes na isinumite sa Office of the Senate President noong Disyembre 10 at ipinresenta sa media noong Disyembre 11.
“Doon nila ipasok ang gusto nila ipasok sa committee report na aming ia-adopt sa floor. Hindi ang gagawa sila uunahan pa nila ang komite. Di ba disrespect yan, di ba pambabastos yan?,” sabi niya.
Binatikos din ni Lacson ang mga kasapi ng minorya na patuloy na pumupuna sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
“Okay mag-criticize pero ilagay sa ayos, sa constructive. Hindi paninira lang,” dagdag niya.
Ayon kay Lacson, nakatulong ang mga ebidensiyang nakalap ng komite sa pagbuo ng mga kasong ngayon ay nasa korte na.
Sumang-ayon din si Lacson sa obserbasyon ni Sotto na ang “minority report” ay tila ginawa lamang para sa publisidad.
Nagpatuloy ang tensyon sa Senado kaugnay ng flood-control probe na pinamumunuan ng Blue Ribbon Committee, kung saan nagkaroon na ng matinding palitan sa pagitan nina Lacson at ilang senador ng minorya.

