Calendar
Pag-abuso ng mga bata gamit ang turismo isinisulong ihinto
NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros ng mas maigting na pagpapatupad at pagsasaayos ng mga umiiral na batas para sa proteksyon ng mga bata, kasabay ng muling pagbubukas ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
“Dapat bigyan halaga at puwang ang kapakanan ng mga kabataan laban sa pang aabuso, paggamit sa mga ito gamit ang turismo,” iginiit ni Hontiveros, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay ng wastong proteksyon sa kabataan.
Tampok sa pagdinig ang dalawang panukalang batas—ang Senate Bill No. 1588, na nag-aamyenda sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act, at ang Senate Bill No. 559, na tinatawag ding “Sandy’s Bill,” na naglalayong protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso at pagsasamantala sa sektor ng turismo at paglalakbay.
Ang “Sandy’s Bill,” na kilala rin bilang Child Tourist Safety Act, ay di-pormal na pangalan ng SB 559 at ginagamit sa mga opisyal na pagdinig ng Senado. Binuo ito bilang tugon sa mga ulat ng diumano’y trafficking o grooming ng mga bata sa mga tourist spots gaya ng mga hotel, resort, at mga terminal.
“This hearing is framed around a single, unifying concern: child protection. Whether the harm arises online, through sexual abuse and exploitation, or in physical spaces linked to tourism and travel, the responsibility of the State remains the same. May iisang obligasyon tayo—ang tiyaking ligtas ang mga bata,” pahayag ni Hontiveros.
Binigyang-diin niya na layunin ng pagdinig ang mailantad ang mga karanasan at pananaw mula sa aktuwal na pagpapatupad ng batas. “Hindi sapat ang maganda sa papel; kailangang gumana sa aktwal na implementasyon,” aniya, sabay hikayat sa mga eksperto at tagapagtaguyod na magsalita nang tapat ukol sa mga puwang sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas.
Ang Senate Bill No. 1588, na inakda ni Hontiveros sa ika-20 Kongreso, ay tumutuon sa pagpapalakas ng mga legal na proteksyon sa gitna ng lumalalang mga digital na banta. Ang Senate Bill No. 559 naman ay tugon sa mga hinaing ng mga grupong nagtataguyod ng karapatan ng bata hinggil sa kahinaan ng mga bata sa sektor ng turismo, kabilang na ang pagkakalantad sa eksploytasyon sa mga hotel, resort, at iba pang travel hubs.
“We are hearing two principal measures this morning… Paalala ito na ang child protection ay hindi lamang isyu ng cyberspace, kundi ng mga aktwal na lugar kung saan naroroon ang mga bata,” dagdag ni Hontiveros.
Bagaman kabilang sa agenda ang mga susog sa Safe Spaces Act, nilinaw ni Hontiveros na hindi ito saklaw ng masusing talakayan sa sesyong ito. Isinagawa na ang technical working group meeting ukol sa mga panukala hinggil sa Safe Spaces noong Oktubre 2025.
Kumpirmado rin ni Hontiveros na magkakaroon ng hiwalay na mga TWG sessions para sa SB 1588 at SB 559. “Doon natin sisiyasatin ang mga detalye,” aniya, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsusuri kada probisyon, lalo na sa aspeto ng implementasyon, tungkulin ng mga institusyon, at pagkakahanay ng badyet.
Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, civil society, at technology sector upang magbigay ng kanilang pananaw. Ayon kay Hontiveros, layunin ng mga panukala na masigurong hindi lamang “maganda sa papel” ang mga ito, kundi maaari ring maisakatuparan sa aktwal.
“Paglalatag ng mga isyu at pakikinig sa karanasan ninyo on the ground,” aniya sa mga kalahok, sabay giit na ang aktuwal na karanasan sa pagpapatupad ng batas ang dapat maging batayan sa paggawa ng mga bagong polisiya.
Ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Act, na naisabatas noong 2022 bilang RA 11930, ay binatikos ng mga grupong pangkarapatan ng bata dahil sa mahinang pagpapatupad at limitadong saklaw sa pagtugon sa mga bagong uri ng pang-aabuso sa mga streaming platforms, encrypted apps, at digital currencies. Kinilala ni Hontiveros ang mga hamong ito.
Dahil sa lalong paglaganap at pagiging komplikado ng online exploitation na laganap na sa iba’t ibang bansa, iginiit ng mga tagapagtaguyod ang pangangailangan ng mas pinahusay na koordinasyon ng mga ahensya at mas mahigpit na pananagutan mula sa mga platform.
Samantala, ang Sandy’s Bill ay isinulat bilang tugon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga batang umano’y tina-traffic o ni-recruit sa mga tourist zones. Iminumungkahi ng panukala ang pagsasagawa ng mandatory training para sa mga tourism worker, child-safety audits sa mga hotel, at mas mahigpit na obligasyon sa pagrereport.
Walang naging botohan sa pagdinig, ngunit nagsilbing batayan ang mga talakayan para sa mas teknikal na deliberasyon sa mga susunod na linggo.

