Pastor

SPD sinibak mga pulis na nagtangkang manghuli ng binata

Edd Reyes Oct 8, 2026
130 Views

SINIBAK sa puwesto ang mga pulis na inakusahang sangkot sa tangkang panghuhuli sa 24-anyos na binata na bibili lang ng ulam noong Martes sa Taguig City.

Iniutos ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang paglilipat sa mga pulis sa Personnel Holding and Accounting Unit mula sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Police Sub-Station 9 habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nagresponde umano ang mga pulis sa ulat ng opisyal ng barangay na may nangyayaring ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga sa kanto ng Ilang-Ilang at Batangas Sts., Brgy. New Lower Bicutan hanggang sitahin nila ang biktima dahil sa umano’y pag-iingat ng marijuana.

Pumalag umano ang biktima nang posasan ng mga pulis na nakatawag-pansin sa kaanak at kapitbahay na kumuha ng video sa nagaganap na komosyon.

Dahil sa magkaka-ibang bersiyon ng mga pulis at kabilang panig, inutos ni Pastor ang imbestigasyon upang malaman ang tunay na pangyayari makaraang ihayag ng ama ng binata na puwersahan umanong kinuha ng mga pulis ang cellphone at wallet ng biktima na kalaunan ay ibinalik nang malamang nakuhanan ng video ng mga residente ang pangyayari.

Sa pahayag pa ng ama ng binata, nakiusap umano ang mga pulis na burahin na lang ang kuha matapos na pawalan din ang biktima.

Handa ang mga magulang ng binata na maghain ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) laban sa mga pulis.