Speaker Romualdez Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Speaker Romualdez mas mataas ang trust, performance rating kay VP Sara sa OCTA Research survey

17 Views

NANANATILI si Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang isa sa pinakapinagkakatiwalaan at may pinakamagandang performance sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, samantalang bumulusok naman ang ratings ni Vice President Sara Duterte, batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research.

Batay sa TNM survey na isinagawa noong Nobyembre 10 hanggang 16 ng 2024, nakakuha si Speaker Romualdez ng 58 percent trust rating at 59 percent performance satisfaction rating na kapwa bumaba ng 3 percentage points.

Nakuha ni Speaker Romualdez ang pinakamataas na trust rating nito sa Mindanao na naitala sa 66 percent at sinundan ng Balanse ng Luzon (61 percent). Sa Class ABC at D naman ay naitala ang 62 percent at sa Class E ay 54 percent.

Sa Mindanao din nakapagtala ng pinakamataas na performance rating si Speaker Romualdez (69 percent). Sa Class ABC naman ay nakakuha ang lider ng Kamara ng 64 percent, samantalang sa Class E ay 52 percent.

Samantala, bumaba naman ang trust at performance ratings ni Vice President Duterte.

Mula sa 59 percent sa survey noong ikatlong quarter ng 2024, nakapagtala si Duterte ng 49 percent trust rating sa last quarter survey ng OCTA noong nakaraang taon.

Ito ang unang pagkakataon na bumaba sa mayorya ang rating ng Ikalawang Pangulo.

Bumaba ng 17 percentage points ang trust rating ni Duterte sa Metro Manila na naitala sa 30 percent.

Ang performance rating naman ni Duterte ay bumaba sa 48 percent mula sa 52 percent — indikasyon na maraming dismayado sa kanyang performance.

Bumaba naman ng 12 percentage points ang performance satisfaction ni Duterte sa Metro Manila at naitala sa 26 percent.

Sa Mindanao na kilalang balwarte ng mga Duterte, bumaba ng 5 percentage points ang trust rating ng Bise Presidente samantalang si Romualdez ay nakapagtala ng 66 percent.

Ang pagbaba ng rating ni Duterte ay iniuugnay sa nabulgar na kuwestyunable nitong paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati nitong pinamumunuan.

Kinuha sa TNM survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong ±3% margin of error.