Calendar
Speaker Romualdez patuloy na isusulong mga negosyong Pinoy sa global stage
WALANG tumutol sa pag-apruba ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill (HB) No. 8525 o ang panukalang “Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act” upang madala ang mga produktong gawa ng mga Pilipino sa global stage.
Sa botong 251 pabor at walang tumutol inaprubahan ang HB 8525, pagpapakita umano ng Kamara ng pagnanais nito na mapa-unlad ang mga negosyong Pilipino.
Binigyan-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, ang kahalagahan na mapa-unlad ang mga negosyo sa Pilipinas upang dumami ang mga trabaho na maaaring mapasukan.
“The Tatak Pinoy Act is a crucial step toward transforming our economy by encouraging collaboration with the private sector and enhancing the competitiveness of local enterprises,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
“We focus strongly on our Filipino workers’ skills, creativity, and innovation. This legislation aims to support local enterprises and ensure inclusive economic growth that reaches all corners of our nation, benefiting the urban poor, subsistence farmers, indigenous communities, and our micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs),” wika pa nito.
Sa ilalim ng panukala ay gagawa ng komprehensibong Tatak Pinoy Strategy (TPS) upang mapataas ang kalidad ng mga produkto na gawa sa bansa upang bumenta ang mga ito sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapataas sa antas ng kakayanan ng mga manggagawa at mailabas ang pagiging malikhain ng mga ito.
Malaki umano ang potensyal ng panukala upang mapa-unlad ang ekonomiya ng bansa.
Layunin din ng panukala na maparami ang mga nagnenegosyo sa lahat ng rehiyon upang matulungan ang mga nasa malalayong lugar na mapa-unlad ang kanilang pamumuhay.
Sa ilalim ng panukala, itatayo ang Tatak Pilipino Council (TPC) na siyang tututok sa paggawa at pagpapatupad ng estratehiyang gagamitin sa pagtulong sa mga maliliit na negosyo upang maging world-class ang kanilang mga produkto.
Ang TPC ay pamumunuan ng Director General ng NEDA bilang Chairperson, samantalang ang mga kalihim ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ay magsisilbing vice-chairpersons.
Ang TPS ay sasalang naman sa taunang pagrepaso ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang masiguro na angkop ang mga ito.
Ang TPC ang magiging advisory body ng Pangulo sa paglikha ng mga polisiya at programa sa pagnenegosyo at mag-uugnay-ugnay ng mga plano ng iba’t ibang ahensya para sa matagumpay na implementasyon ng mga ito.