Speaker Romualdez, Tingog, DSWD nagbigay ng ayuda sa Laguna

160 Views

NAGTULONG ang tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog
Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre, at Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga residente ng Sta. Cruz, Laguna.

Nakatanggap ng tig-P2,000 ang 1,588 benepisyaryo sa pagtitipon na ginanap sa Villa Remedios Covered Court, sa Brgy. Bubukal, Sta. Cruz, Laguna.

Dumalo sa pamimigay ang mga lokal na opisyal gaya nina Mayor Egay San Luis, Board Member Milo San Luis, Municipal Councilors Allan Pamatpat, at Throphy Tolentino, Barangay Captain Allan Damitan, at iba pang opisyal ng barangay.

Tumulong din ang Philippine National Police upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.

Nagpasalamat ang mga lokal na opisyal sa hatid na tulong sa kanilang mga residente.

“Maraming salamat po kay House Speaker Martin Romualdez sa pinaabot na food subsidy… at sa Tingog Party-list at DSWD, welcome at magandang umaga po,” ani Barangay Captain Allan Damitan.

“Maraming salamat po sa Alagang Tingog at sa kasama ko sa Kongreso (nang anim na taon) na speaker na ngayon, Ferdinand Martin Romualdez. Dama namin na si Speaker Martin… ay nandiyan upang matulungan at maiangat ang antas ng mga kabuhayan… lalo na sa pagtapos nitong pandemya. Muli, maraming salamat kay Speaker Martin Romualdez, Congresswoman Yedda Marie Romualdez, kay Congressman Jude Acidre, sa DSWD, pati na rin kay sir Rioneil Moquianos na head ng services team,” sabi naman ni Mayor Egay San Luis.

Isa sa mga adbokasiya nina Speaker Romualdez, at Tingog party-list ang pagtulong sa mga mahihirap.