Typhoon Larawan mula sa DOST-PAGASA

SUPER TYPHOON BAVI PAPASOK NA SA PAR; HABAGAT, PALALAKASIN

96 Views

PATULOY na lumalakas ang Super Typhoon Bavi habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Lunes, Hulyo 6.

Bandang alas-10 ng umaga, namataan ang bagyo may 2,215 kilometro sa silangan ng timog-silangang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 205 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 250 kph, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.

Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR sa pagitan ng Martes ng gabi at Miyerkules ng umaga, kung saan tatawagin na itong Inday.

Sa ngayon, hindi nakikitang magla-landfall ang bagyo sa anumang bahagi ng bansa dahil tatahak ito pahilagang-kanluran patungo sa Ryukyu Islands ng Japan habang nasa Philippine Sea.

Gayunman, maaari itong dumaan malapit sa pinakahilagang bahagi ng Luzon bago lumapit sa silangang Taiwan.

Bagama’t hindi direktang tatama sa Pilipinas, inaasahang palalakasin ng Bavi ang habagat simula Huwebes, na posibleng magdala ng malalakas na pag-ulan sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa hanggang sa katapusan ng linggo.