Calendar

Suporta ng China sa pagpapakalat ng pekeng balita sa social media dapat tutukan ng House tri-comm
NANAWAGAN ang mga lider ng Kamara para sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon ng Tri Comm kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng fake news sa social media sa tulong ng China, partikular sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at sa pampulitikang propaganda na pumapabor sa mga kakampi nitong politiko sa bansa.
“Nabanggit po ito by one of the resource persons, I think it was PressOnePH, na there was a link between misinformation and allegedly Chinese-owned accounts, Chinese backing,” ayon kay 1RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, miyembro ng 11-man House Prosecution Panel laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
“There is allegedly a link between Chinese backing of misinformation in the West Philippine Sea and political campaigns for certain individuals in the country,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Gutierrez ang agarang pangangailangan na matugunan kung paano pinapakalat ng mga bayarang social media personality at influencer ang ganitong mga maling impormasyon. Binalaan niya na hindi dapat hinahayaang bumili ng impluwensya ang mga dayuhang entidad upang linlangin ang publiko.
“I think another issue that we have to discuss thoroughly sa TriComm is yung commercialization po ng bloggers. Freedom of speech, understandable po ‘yun. It’s the right of everyone,” aniya.
“Pero pag binibenta mo na po ‘yung iyong salita para sa salapi. If you are selling your opinion to the highest bidder, and if that highest bidder is a foreign entity, I think there should be some limitations, there should be some punitive actions po in relation to that,” dagdag niya.
Binigyang-diin naman ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang seryosong banta ng ganitong disimpormasyon, lalo na’t papalapit na ang halalan sa 2025.
“We need to regulate this dissemination of mal-information, disinformation,” aniya, na binigyang-diin kung paano nilalason ng ganitong propaganda ang demokrasya at humahantong sa panganib sa pambansang seguridad.
Natuklasan ng Tri Comm ng Kamara na aktibong ginagamit ng mga disinformation network ang social media upang manipulahin ang opinyon ng publiko.
Lamentado ni Gutierrez na tila naging normal na ang pekeng balita sa bansa. “Masyadong nasanay po ‘yung tao sa fake news. Nasanay na po tayo sa hyperbole. Nasanay na po tayo sa pagbibiro.
We can’t take anything seriously anymore.”
Ibinunyag ng PressOnePH sa kanilang presentasyon sa huling pagdinig ng Tri Comm ang isang malawakang kampanya ng disimpormasyon na pinatatakbo ng mga Chinese-controlled social media accounts.
Natuklasan sa kanilang imbestigasyon ang mahigit 107 pekeng X (dating Twitter) accounts na may mga pangalang Tsino. Ang mga ito ay orihinal na ginawa para sa mga Spanish-speaking audience ngunit ngayon ay ginagamit upang magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa isyu ng WPS at palakasin ang pro-Duterte propaganda.
Dahil sa patuloy na hindi pagdalo ng ilang social media influencer sa mga pagdinig ng Tri Comm, binalaan ni Adiong na maaaring gumamit na ng mas mabibigat na hakbang ang komite ng Kamara.
“If there’s no valid reason for their absence again this time, baka umakyat na ’yan sa show-cause order and then baka i-subpoena na sila,” aniya.
Dahil sa kanilang pagtangging makipagtulungan, marami ang naniniwala na sinasadya nilang iwasan ang pananagutan. Ang ilan sa kanila ay dumulog pa sa Korte Suprema upang kwestyunin ang imbestigasyon ng Tri Comm, isang hakbang na tinawag ni Gutierrez na malinaw na pagsubok upang takasan ang pagdinig.
“Wala pa nga I think justiciable action. There’s no cause of action. Pumunta na agad sa SC. Invitation pa lang po, tumakbo na sa SC,” aniya.
Ipinaliwanag pa ni Adiong na hindi matitinag ang legalidad ng imbestigasyon ng Kamara, dahil bahagi ito ng kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng mga imbestigasyon na may layuning gumawa ng mga batas.
“It’s part talaga ’yan ng rules po ng bawat inquiry in aid of legislation. May power po ng subpoena,” aniya.
Dahil sa lumalaking pangamba tungkol sa dayuhang panghihimasok sa online discourse, pinag-aaralan na ng mga mambabatas ang mas mahigpit na regulasyon upang panagutin ang mga nasa likod nito.
Binigyang-diin ni Gutierrez na habang mahalaga ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi ito dapat gamitin upang magkalat ng kasinungalingan na maaaring magdulot ng panganib sa bansa.
“We have to be accountable for our words,” aniya.
Sinuportahan ito ni Adiong, na nagpahayag na ang bawat karapatan ay may kaakibat na pananagutan.
“You have the right to say… but it does not mean that you can do whatever you want with that kind of right,” babala niya.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Tri Comm sa Martes, tiniyak ng mga mambabatas na hindi nila hahayaang sirain ng mga dayuhang sinusuportahang disimpormasyon ang demokrasya ng Pilipinas, lalo na sa panahong may seryosong banta sa pambansang seguridad sa WPS.