Daniel Fernando

Suporta ni Bulacan Gov. Daniel Fernando kay Robredo hindi totoo

377 Views

ITINANGGI ni Bulacan Gov. Daniel Fernando na inendorso nito ang presidential bid ni Vice President Leni Rodredo.

Nilinaw ni Fernando na susunod ito sa magiging desisyon ng kanyang partido kung sinong kandidato sa pagkapangulo ang kanilang susuportahan sa nalalapit na halalan.

Paliwanag ni Fernando tinawag niyang pangulo si Robredo ng kanyang ipakilala sa entablado gaya ng ginagawa nito sa iba pang kandidato.

“Sa Bulacan naman kasi … kamukha niyan, tinawag ko ang mga bokal ko na ‘bokal’ kasi iyon ang tinatakbo nila. Iyong kapitan naman namin tinatawag kong ‘konsehal’ kasi tumatakbo na siyang konsehal ngayon,” sabi ni Fernando sa panayam.

Matapos magsagawa ng campaign rally sa Bulacan kumalat ang impormasyon na nagdeklara na ng suporta si Fernando kay Robredo.

Maaari umanong lumabas ang desisyon bago o pagkatapos ng Marso 25 na siyang simula ng kampanya ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon.

Si Fernando ay miyembro ng National Unity Party (NUP).

Nauna rito, ilang miyembro ng NUP ang naghayag ng pagsuporta kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. gaya nina Abra Gov. Maria Jocelyn Bernos, Cavite Gov. Jonvic Remulla at Tawi-Tawi Gov.Yshmael Sali.

Inamin din ni Fernando na malapit nitong kaibigan si Sen. Imee Marcos na kanyang kasabayan sa pagiging chairman ng Kabataang Barangay.

“Kami iyong pangalawang batch ng KB at kaibigan ko talaga si Senadora Imee,” dagdag pa ng gubernador.