Calendar
Suspek sa holdup ng ‘promdi’ nakorner sa Malabon
NA-korner at nahuli ng mga humabol na lalaki ang 37-anyos na holdaper na nambiktima ng lalaking galing Mindanao noong Linggo sa Malabon City.
Kinilala ng biktimang si Bernard Danian, 20, ng Brgy. Lambingi, Bunga, South Cotabato, ang suspek na si alyas Tonyo, taga Caloocan, matapos iharap sa kanya ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, pauwi na sa boarding house ang biktima dakong alas-4:30 ng umaga ng tinutukan ng patalim ng suspek pagdating sa kanto ng Inda Maria St., Brgy. Potrero at pwersahang kinuha ang cellphone nito at tumakas na patungong Avocado St.
Nagsisigaw sa paghingi ng tulong ang biktima na nakatawag pansin sa mga kalalakihan kaya’t hinabol hanggang masukol si Tonyo sa isang basketball court sa lugar.
Nabawi sa suspek ang tinangay na cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P7,000 pati ang ginamit na patalim.
