Aso1

Suspek sa pagkakatay ng aso tiklo

Edd Reyes Aug 15, 2026
13 Views

BAGSAK sa kamay ng pulisya ang lalaking nanghuhuli at kumakatay umano ng mga aso at ibinebenta sa iba-ibang lugar noong Biyernes sa Navotas City.

Natunton ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili si alyas “Totoy” sa C-4 Road, Brgy. Bagumbayan South.

Dati na ring siyang nadakip ng pulisya dahil sa pagkakatay at pagbebenta ng mga pinatay niyang aso.

Sinabi ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela na inaresto nila ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Navotas Regional Trial Court (RTC) dahil sa mga kasong theft at paglabag sa Section 9 ng Animal Welfare Act of 1998.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Navotas Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail.