Kable

Suspek sa pagnanakaw ng cable ng NCAP nahuli

Edd Reyes Jun 27, 2025
339 Views

Kable1NADAKIP na ang talong suspek na nagnakaw sa kable ng CCTV ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang bumalik ang mga suspek at magputol uli ng kable sa Guadalupe footbridge noong Miyerkules sa Makati City.

Kinilala ni Southern Police District acting director P/BGen. Randy Arceo ang mga suspek na sina alyas Vincent, 28; John, 20; at babaing si Darwina, 20, na inaresto sa akto ng pagpuputol ng kable ng CCTV malapit sa una nilang mga pinutol na kawad.

Nahuli ang tatlong suspek ng makatanggap ng tip si P/Maj. Wilken Noblejas, commander ng Guadalupe substation, hinggil sa ginagawang pagputol ng kable ng mga suspek sa naturan pa ring footbridge.

Alas-11:00 ng gabi nang matiyempuhan ng mga pulis ang mga suspek sa aktong nagpuputol muli ng kable na dahilan ng pagkasira ng walong CCTV ng MMDA.

Nakuha sa mga suspek ang mga putol na kable ng kuryente at iba’t-ibang uri ng pamputol.

Magsisilbi bilang complainant sa kaso ang Net Pacific Inc. na kakatawanin ng kanilang Project Auditor na si alyas Jun, 55, ang nagkabit ng CCTV na ginagamit ng MMDA.

Aabot sa P104,000 ang halaga ng mga kableng ninakaw ng mga suspek habang kakasuhan din ng pulisya ang bumili ng mga nakaw na kable.