Suspek2 Ang suspek habang inihahatid sa City Prosecutor’s Office na sinampahan ng kasong murder.

Suspek sa pagpatay ng 8-anyos sa Laguna nasakote

Gil Aman Jan 13, 2026
350 Views
Adriano
Pitong ordinansa ang inihain ni San Pablo City Councilor Gel Adriano upang magbigay ng safety protection para sa mga mag-aaral.

MATAPOS ang ilang araw na pagtatago, naaresto noong Lunes ang tiyuhin na siyang principal na suspek sa brutal na pagpatay sa 8-anyos na Grade 3 pupil sa Barangay Santiago 2, San Pablo City, Laguna.

Ayon sa pulisya, ang mismong sariling tiyuhin ng biktima ang itinuturong pumaslang sa bata dahil sa umano’y namagitang alitan sa anak at ipinagtanggol lamang ng suspek.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kanya na siya ang pumatay sa biktima.

Sa kasalukuyan, hawak ng San Pablo City Police ang 59-anyos na suspek na magsasaka at sinampahan na sa City Prosecutor’s Office ng kasong murder.

Magugunitang ang biktima ay namatay bunsod ng mga brutal na tama ng taga sa katawan matapos dalhin ng suspek sa masukal na bahagi ng barangay noong Enero 9 dakong alas-6 ng umaga nang papasok ng paaralan.

Sa paghahanap ng mga kaanak, natagpuan ang bata bandang alas-12:20 ng umaga sa masukal na bahagi ng barangay na pinagdalhan ng tiyuhin na suspek.

Sinasabi sa report na madalas diumanong paiyakin ang apo na babae ng biktima na posibleng ugat ng pagpatay sa bata.

Samantala, naghain ng pitong ordinansa noong Lunes si San Pablo City Councilor Gel Adriano para magbigay ng kaligtasan sa lugar.

“Gianni Rick Child Safe Zones and School-Route Safety Measures” ang nilalaman ng kanyang ordinansa.

Nakasaad sa ordinansa ang pasisigurado na ang bawat daan ng mga bata patungo at pauwi mula sa paaralan ay ligtas.

Inilatag din ang pagkakaroon ng tatlong emergency hotline sa bawat barangay at pag-inform sa bawat bahay ng hotline.

Inihain din ang “City anti-prank and fake hotline calls ordinance” at ang “Missing person rapid response (MPRR) and barangay action plan ordinance.”

Sa ilalim naman ng “Ligtas na daan, ligtas ang mamamayan ordinance,” nakasaad ang pag-ayos at pag-secure ng mga crime-prone areas upang mapigilan ang mga krimen na nangyari sa mga lugar na ito.

Sa “Liwanag sa dilim ordinance” naman ay iilawan ang mga madilim na daan upang mabawasan ang posibleng krimen.

Isa pang regulasyon na inihain ang “Safe schools and child protection ordinance.”

Ang pangyayari, ayon sa ilang mga magulang, ay nakababahala lalo na sa malalayong lugar ng kabayanan.