NHSB

Taas sa upa sa bahay hanggang 2.3% lang–NHSB

Jun I Legaspi Jan 5, 2025
29 Views

ITINAKDA ng National Human Settlements Board (NHSB) sa maximum na 2.3% ang rate ng pagtaas sa upa para sa mga residential unit na may buwanang renta na P10,000 pababa.

Batay sa NHSB Resolution No. 2024-001, ang maximum na pagtaas sa buwanang renta magiging epektibo mula Enero 1, 2025 hanggang Disyembre 31, 2025.

Ang NHSB, bilang tanging policy-making body na responsable sa pagbibigay ng pangkalahatang direksyon ng patakaran at program development para sa iba’t ibang key shelter agencies, nagpatibay ng bagong resolusyon noong Disyembre sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Ipinatupad ang rental cap upang maprotektahan ang mga nangungupahan na nasa mas mababang kita at iba pang benepisyaryo mula sa sobrang taas ng upa alinsunod sa Republic Act No. 9653 na mas kilala bilang Rent Control Act of 2009.

Ang rental cap naaangkop lamang sa mga residential unit na kasalukuyang inuupahan ng parehong mga tenant noong 2024 at nagbabayad ng P10,000 pababa kada buwan at magpapatuloy na manirahan o mag-renew ng kanilang lease sa 2025.

Ang mga unit na may renta na higit sa P10,000 kada buwan hindi sakop ng limitasyong ito.

Kung mababakante ang unit sa 2025, maaaring pataasin ng nagpapaupa ang renta para sa bagong tenant nang lampas sa itinakdang limitasyon.

Pinapayagan ang pagtaas na ito dahil ang bagong tenant hindi sakop ng nabanggit na resolusyon.

Gayunpaman, sa kaso ng boarding house, dormitoryo, kuwarto at bedspace, isang beses lamang pinapayagan ang pag-adjust sa renta sa loob ng 2025, kahit hindi pa naaabot ang limitasyon ng pagtaas.

Ang mga bagong residential unit na itatayo at/o pauupahan sa 2025, sa kabilang banda, maaaring magtakda ng kanilang sariling renta.

Isang bagong limitasyon na 1% ang ipapataw sa mga unit na inuupahan ng parehong mga tenant noong 2025 na nagbabayad ng P10,000 o mas mababa kada buwan at magpapatuloy na umupa/mag-renew ng kanilang lease sa 2026.

Ang mga residential unit na may renta na higit sa P10,000 kada buwan noong 2025 hindi kasama sa rental cap ng 2026.

Pinapayuhan ang tenant na maghanap ng alternatibong paraan ng pagresolba sa alitan sa kanilang landlord o nagpapaupa sa pamamagitan ng mediation/amicable settlement process ng Barangay Justice System.

Kung hindi maresolba ang usapin, saka lamang ito maaaring idulog sa korte.

Kung mapatunayang nagkasala ang nagpapaupa, maaari siyang pagmultahin ng hindi bababa sa P25,000 ngunit hindi hihigit sa P50,000 o makulong nang hindi bababa sa isang buwan at isang araw hanggang hindi hihigit sa anim na buwan o parehong multa at pagkakakulong depende sa desisyon ng korte.