MPD-SWAT

Tanggapan sa Manila City Hall napuno ng tensyon, MPD-SWAT team napasugod

Edd Reyes Jun 28, 2025
589 Views

NAPASUGOD ang mga operatiba ng Manila Police Station 5 at Special Weapon and Tactics (SWAT) team sa Manila City Hall noong Biyernes nang makatanggap ng impormasyon na may nagaganap umanong tensiyon sa isa mga tanggapan sa loob ng gusali.

Pumoste ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 5 at SWAT team sa labas ng tanggapan ni Jonathan Gallorio, ang Officer-in-Charge ng Office of the City Accountant.

May natanggap na impormasyon ang ilang insiders na na may ilang kawani sa loob ng tanggapan ang pinipigilan umanong makalabas hangga’t hindi natatapos ang kanilang trabaho dahil may kailangan pang pirmahan ang Office of the City Accountant na mga dokumentong may kaugnayan sa mga contractor kaya’t hindi pa sila pinayagan umanong makaalis ng kanilang tanggapan.

Humupa ang tensiyon nang dumating sina P/Maj. Dave Apostol, dating hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa panahon ni incoming Mayor Isko Moreno at P/Maj. Edward Samonte na mauupo naman sa naturang tanggapan sa susunod na linggo upang sila ang makipag-usap kay Gallorio at malaman kung ano ang tunay na sitwasyon.

Pasado alas-9 ng gabi nang makalabas na ang ilang mga naiwang kawani, pati na ang kanilang hepe na si Gallorio na siyang huling lumabas ng tanggapan.

Napagalaman na bago pa man makalabas ang mga kawani at kanilang hepe, namataan din sa loob ng tanggapan ng ilang mga mamamahayag na nakapasok sa loob si Manila Mayor Honey Lacuna at ilan niyang security officers.