Tao sa Calamba, LB, Cabuyao libre sa lab test

Gil Aman Jan 16, 2026
165 Views

INILUNSAD ang mas pinalawak na libreng laboratory test program sa Calamba Medical Center para sa mga residente ng Calamba City, Bay, Los Baños at Cabuyao.

Layunin ng programa na makatulong sa maagang pagtuklas ng sakit at matiyak ang maayos na pangangalagang medikal para sa lahat.

Si Gob. Sol Aragones ang nanguna sa unang araw ng libreng laboratory test.

Tiniyak ng gobernadora sa mga Lagunense na hindi magiging hadlang ang pondo sa pagtulong sa mamamayan.

“Kinakailangan lang hanapan ng pondo. May paraan para ilibre ang ating mga kababayan,” ayon sa gobernandora.

Ibinahagi ng gobernadora ang hangaring mapalawak pa ang programa hanggang sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat nagtitipid sa pagtulong sa kapwa.

Kasabay nito, inanunsyo niya ang pagbibigay ng libreng dialysis sa Laguna Medical Center, ang pagbubukas ng pasilidad sa Bay ngayong Pebrero at sa Pakil sa Abril.

Samantala, sinabi ni Dr. Odilon Inoncillo, Officer-in-Charge ng Provincial Health Office, na hindi lamang libreng laboratory test ang hatid ng programa kundi pati malinaw na paggabay medikal.

Kapag may resulta na ang laboratory test, may doktor na agad na magpapaliwanag at magbibigay-linaw sa pasyente upang maunawaan ang kanilang kalagayan at mga susunod na hakbang, ayon sa doktor.