Yap

Tarlac Gov. Yap muling iginiit suporta kay Mayor Sara

357 Views

MULING iginiit ni Tarlac Gov. Susan Yap ang kanyang pagsuporta kay vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.

Nagpasalamat din si Yap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga programa at proyekto nito sa kanyang lalawigan kahit pa ito ay kilalang balwarte ng oposisyon.

“Dito sa Tarlac, taos puso akong nagpapasalamat sa kanilang pamilya. Dahil kahit papaano, bumuhos ang nga proyekto dito, at alam ng mga mayors natin yan,” sabi ni Yap sa Joint Town Clustered Meeting na ginanap sa Sta. Ignacia Auditorium at dinaluhan ng may 3,000 katao.

Kuwento ni Yap hindi humihingi ng tulong ang Tarlac kay Pangulong Duterte pero tumawag ito upang magtanong kung ano ang kanilang kailangan.

Noong Abril 2 ay nangampanya na sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Mayor Duterte kung saan inihayag ni Yap ang kanyang pagsuporta sa UniTeam tandem.

Ang Tarlac ay kilalang balwarte ng oposisyon dahil dito nanggaling si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III na sumuporta kay dating Sen. Mar Roxas noong 2016 presidential elections.